ni Francis T. Wakefield
Sisimulan bukas ang taunang pagsasanib-puwersa ng Pilipinas at Republic of Indonesia coordinated patrol sa military ceremony sa Naval Station Felix Apolinario sa Panacan, Davao City.
Ayon kay Major Ezra L. Balagtey, hepe ng Armed Forces of the Philippines-Eastern Mindanao Command (AFP-EastMinCom) Public Affairs Office, magsisimula ang aktibidad sa ganap na 8:30 ng umaga.
Sinabi ni Balagtey na ngayong Lunes inaasahang dadating ang Indonesian delegates sa Sasa Wharf, Davao City at bibigyan ang mga ito ng Naval Forces Eastern Mindanao ng arrival ceremony.
Aniya, layunin ng coordinated patrol—na pormal na sisimulan sa send off ceremony sa Sasa Wharf Davao City sa Huwebes—na paigtingin ang seguridad ng Davao Gulf at ang common boundary ng dalawang bansa sa katimugang bahagi ng Philippine Archipelago, partikular na sa Celebes Sea at paunlarin ang inter-operability ng dalawang bansa sa maritime patrol.
Magsasagawa rin ng medical mission ang military medical personnel na sakay sa patrolling vessels sa isang stop over sa Balut Island, Sarangani, Davao Occidental sa Hulyo 7.