SA paggunita sa Hulyo bilang National Nutrition Month, tinipon ng Batangas Provincial Health Office ang Batangas Asin Task Force para sa ikalawang quarter nito sa pagnanais na palakasin ang adbokasiya sa paggamit ng iodized salt sa pagkain.
Sa pangunguna ni Dr. Rosvilinda Ozaeta, Batangas provincial health officer, nagsagawa kahapon ng kampanya tungkol sa kalusugan at nutrisyon, partikular sa implementasyon ng Republic Act 8172 o “An Act Promoting Salt Iodization Nationwide and for Related Purposes”, na kilala rin bilang ASIN Law.
Mula sa pag-aaral na isinagawa ng mga health at nutrition expert, ibinunyag ang importansya ng iodine sa mental at pisikal na pag-unlad ng isang tao, kasabay ng paghimok na isabatas ang pagbebenta ng iodized salt sa mga tindahan at paggamit ng naturang asin sa mga restaurant at kainan.
Iniulat ni Digna Ilustre, nutritionist dietician ng provincial health office, na nakikipag-ugnayan na sila sa mga opisyal ng mga lokal na pamahalaan ng Tanauan City, Talisay, Calaca, Balayan, Tuy, Lian at Balete, tungkol sa ordinansa na magpapatupad ng ASIN Law.
Samantala, ayon sa report ng Batangas Police Provincial Office, patuloy pa rin umano ang pag-iinspeksiyon sa ilang tindahan, commercial retail at mga wholesale establishment kung naisasagawa ang pagtitinda ng iodized salt.
Nakikipag-ugnayan na ang pulisya sa mga lokal na health office at mga sanitary inspector ngunit wala pang natutukoy na tindahang nagbebenta ng non-iodized salt.
Iniulat din ng mga kinatawan ng Department of Science and Technology na dumalo sa kumperensiya na ang kasalukuyan nilang S&T training ay tungkol sa pagsusulong sa produksiyon ng de-kalidad na asin sa mga miyembro ng Samahan ng Nagkakaisang Mamamayan sa Pagsulong at Pag-unlad ng Barangay Sawang, isang kooperatiba ng barangay sa bayan ng Lobo.
Hinimok ng Asin Task Force na itaas ang produksiyon ng de-kalidad na asin sa Lobo nang sa gayon ay maging regular na producer ng asin ang Batangas. (PNA)