Nina BETH CAMIA, GENALYN KABILING, HANNAH TORREGOZA at FRANCIS WAKEFIELD
Si Senator Manny Pacquiao pa rin ang nag-iisang kampeon at “national treasure” sa larangan ng palakasan kahit pa naagawan siya ng titulo ng Australian na si Jeff Horn sa Brisbane, Australia kahapon, ayon sa Malacañang.
“Manny Pacquiao’s loss in Brisbane would not diminish the honors he bestowed to the people and to the flag,” saad sa pahayag ni Presidential Spokesman Ernesto Abella. “Nothing will change: Senator Manny Pacquaio will remain our People’s Champ, Pambansang Kamao, and National Treasure in Global Sports.”
Naging makasaysayan ang panalo ni Horn nang talunin niya ang crowd favorite na si Pacquiao sa unanimous decision. Inangkin ng 29-anyos na boksingero ang WBO World Welterweight title sa 12 round nilang laban sa Suncorp Stadium sa Australia.
“Nagpapasalamat ang Palasyo sa hindi matatawarang suportang ipinagkaloob kay Manny Pacquiao ng ating mga kababayan sa oras ng tagumpay at maging sa panahon ng pagkabigo,” sabi pa ni Abella.
Saludo naman ang mga kapwa senador ni Pacquiao sa boxing icon.
Pinuri ni Senator Juan Edgardo “Sonny” Angara si Pacquiao “[for] fighting a good fight.”
“Taas-noo lang, Sen. Manny. You fought a good fight. Win or lose, Filipinos will always be proud of you, of what you have done for the sports, and for the whole country,” ani Angara. “In victory and in defeat, we have celebrated and cried with you. We are proud of you Sen. Pacquiao!”
Sa pahayag naman ni Sen. Nancy Binay, sinabi niya, “Ipinakita ni Manny na kaya pa niyang makipagsabayan sa loob ng ring laban sa mga mas batang kalaban kung kaya’t patuloy pa rin tayong naniniwala sa kanyang kakayahan.”
'OUR MAN WON'
May iba namang ipinahihiwatig ang tweet ni Sen. Dick Gordon: “The whole world is unanimous. Our man won. We are confident he did.”
Dagdag pa ni Gordon: “Manny deserves the respect of everyone. No excuses. Of course we saw it. Horn does not get fame. Refs get shame. Hometown pleased.”
Buong-buo rin ang suporta kay Pacquiao ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
“Manny, kahit natalo ka you are still our hero. Mabuhay ka!” sabi ni Defense Secretary Delfin Lorenzana.
“Sen. Manny’s lost to a much bigger and ungentlemanly aggressive Jeff Horn exhibited the fighter in him and Manny remained a clean fighter all throughout. That sets him apart from all the rest,” sabi naman ni AFP spokesman Brig. Gen. Restituto Padilla.
Una nang sinabi ni Pacquiao, isang Philippine Army reservist, na iniaalay niya ang kanyang laban sa mga sundalo at pulis na nasawi at nasugatan sa pakikipagbakbakan sa Maute Group at Abu Sayyaf sa Marawi City.
REMATCH?
Samantala, kapwa naman nagpahayag ng kahandaan sina Pacquiao at Horn para sa isang rematch, alinsunod na rin sa kontrata ng laban.
Bagamat pinag-iisipan pa ng boxing promoter na si Bob Arum ang tungkol sa posibilidad ng rematch, napaulat na sinagot na ito ni Pacquiao ng isang salita: “Absolutely!”
May ulat ni Nick Giongco