PAGKATAPOS mahalal ni Pangulong Duterte noong Mayo 9, 2016, maraming opisyal ang nanawagan para ipagpaliban ang eleksiyon ng barangay at Sangguniang Kabataan (SK) na nakatakda ng Oktubre 31, 2016. Sa pagdaraos ng dalawang magkasunod na halalan, anila, pinangambahan noon na magkaroon ng “voter fatigue”.
Nariyan din ang usapin sa gastusin sa eleksiyon. Katatapos lang idaos ang halalang pampanguluhan, na gumastos nang sangkatutak sa pangangampanya ang napakaraming kandidato sa lokal at pambansang posisyon, bukod pa sa sariling mga gastusin ng gobyerno. Binigyang-diin noon na sa pagpapaliban sa barangay at SK elections ay makatitipid ang pamahalaan ng P3.4 bilyon.
Nagtagal ang Kongreso sa pagpapasya nito. Samantala, ipinagpatuloy lang ng Comelec ang mga paghahanda nito, tinukoy ang mga lugar na pagbobotohan at sinanay ang mga mangangasiwa sa mga botante, habang tuluy-tuloy din ang pangangampanya ng mga kandidato. Oktubre 15, 2016 lamang—dalawang linggo na lamang bago ang nakatakdang eleksiyon na Oktubre 31—nang lagdaan ni Pangulong Duterte ang panukalang nagpapaliban sa halalan sa susunod na taon, sa Oktubre 23, 2017.
Mistulang wala tayong natutuhan sa nasabing karanasan. Nagdedebate na naman tayo sa panukalang magpapaliban sa eleksiyon—ang panukala sa Kamara ay nagtatakda ng botohan sa Oktubre 2018, habang Mayo 2020 naman ang pinaboran ng panukala sa Senado.
Gaya ng dati, pinagdedebatehan ng mga opisyal ang merito ng pagtatalaga ng mga pansamantalang opisyal. Ayon sa mga opisyal ng administrasyon, papaboran ng eleksiyon ang muling paghahalal sa mga kasalukuyang opisyal ng barangay, na karamihan, anila, ay suportado ng mga drug lord. Iminungkahi nila ang pagtatalaga ng mga bagong opisyal ng barangay, subalit kinuwestiyon ng iba pang mga opisyal ang legalidad ng nasabing pagtatalaga.
Ibang usapin pa ang eleksiyon ng SK para sa mga kabataang lider. Sinabi ni Sen. Paolo “Bam” Aquino IV na napakarami nang beses na naipagpaliban ang SK elections, kaya naman maraming lider-kabataan ang pinanghihinaan na ng loob. Maraming kabataan ang sa kalye na lamang nagsasagawa ng kilos-protesta upang ipahayag ang kanilang mga hinaing at kanilang mga paninindigan sa mga usaping mahalaga para sa bayan, aniya. Sa pamamagitan ng Sangguniang Kabataan, magagawa nila ang higit pa sa pagdaraos ng protesta sa mga lansangan at epektibong makapagsusulong ng mga programang makapagpapaunlad ng kani-kanilang komunidad.
Anuman ang mangyari at sa anumang dahilan, hindi na tamang ulitin pa natin ang nangyari noong nakaraang taon nang pagdesisyunan ang pagpapaliban sa halalan sa napakaikling panahon. Mas maagap na makapagpapasya ang Kongreso at mapapapayag si Pangulong Duterte na lagdaan ang panukala, mas mainam ito para sa lahat ng kinauukulan.
Malaking halaga pa ang matitipid ng Comelec sa mga ginagawa nitong paghahanda. Makatutulong din ito sa pagdedesisyon ng mga kandidato para sa posisyon sa barangay at SK kung sa aling isyu ang tututukan ng kanilang panunungkulan. At makatutulong din sa mamamayan na gawin ang kanilang bahagi sa buong proseso ng halalan.