NI: Reuters

HUMINGI ng paumanhin sina Kendall at Kylie Jenner nitong Huwebes nang lumikha ng kontrobersiya sa pagbebenta ng T-shirts na nagtatampok ng kanilang mukha sa ibabaw ng mga imahe ng mga sikat na music group at artists kabilang ang The Doors, Pink Floyd, Ozzy Osbourne at ng mga pinaslang na rapper na sina Tupac Shakur at Notorious B.I.G.

Sa ikalawang marketing misstep kamakailan na kinasasangkutan ng mga miyembro ng Kardashian family, sinabi nina Kendall at Kylie Jenner na iniurong nila ang pagbebenta sa kanilang $125 T-shirt line pagkaraan ng isang araw simula nang ilunsad ito.

Kendall at Kylie copy

Classic movie ‘Ipaglaban Mo!’, ipinalabas ng CCP bilang kampanya vs VAWC

“These designs were not well thought out and we deeply apologize to anyone that has been upset and/or offended, especially to the families of the artists,” pahayag ng Jenner sisters.

“We are huge fans of their music and it was not our intention to disrespect these cultural icons in anyway,” dagdag nila.

Ang hakbang ay kasunod ng pagbuhos ng galit ng mga kamag-anak ng ilang artist, at cease and desist letters mula sa iba pang musikero kaugnay sa hindi awtorisadong paggamit ng kanilang mga larawan.

“Girls, you haven’t earned the right to put your face with musical icons. Stick to what you know… lip gloss,” sabi sa pamamagitan ng Twitter ni Sharon Osbourne, ang asawa ng Black Sabbath frontman na si Ozzy Osbourne.

Inakusahan ni Violetta Wallace, ina ni Notorious B.I.G, ang magkapatid ng exploitation at sinabing walang nakipag-ugnayan sa estate ng rapper para humingi ng permiso.

“This is disrespectful, disgusting, and exploitation at its worst!!!” sabi ni Wallace sa isang Instagram post. Si Notorious B.I.G, kilala rin bilang Biggie Smalls o Christopher Wallace, ay napatay sa drive-by shooting sa Los Angeles noong 1997.

Sina Kendall Jenner, 21, at Kylie Jenner, 19, ay half-sisters ni Kim Kardashian at lumalabas sa Keeping Up With the Kardashians TV show. Pareho silang modelo na marami ang tagsubaybay sa social media.

Nitong Abril, itinampok si Kendall Jenner sa bagong Pepsi commercial na iniurong ng softdrinks company nang magbunsod ito ng galit at pangungutya ng mga kritiko na anila ay minaliit ang mga protesta sa political at civil rights.