ni Marivic Awitan
KUNG nangamote ang Adamson sa nakalipas na season, inaasahang tatayog ang lipad ng Lady Falcons sa pagbabalik aksiyon ng UAAP Women’s volleyball championship Season 80.
Balik sa kampo ng San Marcelino-based volleybelles ang mga beteranong hitter, tampok sina May Roque, Mylene Paat at setter Fhen Emnas.
Ilalaro ng tatlo ang huling taon ng kanilang eligibility sa UAAP.
Mismong ang kanilang head coach na si Airess Padda ang nagkumpirma ng balita matapos ang unang laro ng Akari-Adamson sa Premier Volleyball League Open Conference nitong Sabado.
Umalis sa Adamson women's volleyball team sina Paat at Emnas matapos ang Season 78, kasabay ng dati nilang head coach na si Sherwin Meneses.
Sa pagbabalik ng dalawang beteranong manlalaro, inaasahan din ang pagbalik ng Lady Falcons sa dati nitong estado bilang isa sa mga koponang inaabangan at pinaghahandaan sa UAAP volleyball.
Sa nakalipas na season, nakaisang panalo lamang ang Lady Falcons sa loob ng 14 laro sa elimination at inaasahan ni Padda na mag -iiba na ang sitwasyon ngayong season.
“It’s definitely looking more within reach. There’s still so much work to be done. But I’m excited for them. It’s different when you have girls like Mylene, Fhen, and even like having Eli that are just coming back because they’re good,” pahayag ng American mentor.