Ni: Ben R. Rosario

Hindi mahalaga kung hindi maaawit sa perpektong tono o kung magkamali sa pagbigkas ng mga salita dahil sa speech defect, ang mahalagang konsiderasyon sa pagkanta ng Pambansang Awit ng Pilipinas ay ang buong pagmamahal at pagpapahalaga sa dangal bilang Pilipino.

Ito ang pahayag ni Cagayan de Oro City Rep. Maximo Rodriguez nang linawin niya ang mga ulat na nagsasabing ang inaprubahang House Bill 5224 kamakailan ay nagbabawal sa sintunadong pag-awit ng “Lupang Hinirang”.

“Being sintunado is not intentional. It is not a violation of the provisions of the bill,” paglilinaw ni Rodriguez, ang principal author ng HB 5224.

Politics

Dalawang Tulfo brothers, nanguna sa survey ng senatorial race

Kasama ang ilang co-authors ng panukala, umani ng pagbatikos ang lumabas na mga ulat na nagsasabing ipinapanukala sa HB 5224 na parusahan ang sinumang kakanta nang sintunado sa ating pambansang awit.

Inaprubahan sa ikatlo at pinal na pagbasa nitong Hunyo, isinasaad sa HB 5224 na ang pag-awit sa anthem “shall be mandatory and must be done with fervor.”

Itinataas din ng bill ang kasalukuyang multa sa mga lalabag sa mga probisyon nito. Ang multa ay itinaas sa P50,000 mula sa P5,000 sa minimum range, at ang maximum fine naman ay magiging P100,000 mula sa P20,000.

Mula sa isang taong pagkakakulong, ang sinumang mapatutunayang nagkasala sa pagpapakita ng kawalan ng respeto at paglapastangan sa bandila at sa iba pang mga pambansang simbolo at pambansang awit ay mahaharap naman sa hindi baba sa dalawang taong pagkakakulong.