Ni: Clemen Bautista

ANG Lupang Hinirang, na ating Pambansang Awit, at ang Pambansang Watawat ang dalawang mahalagang pamana ng Himagsikan ng Pilipinas noong 1896. Kapag inaawit ang Lupang Hinirang, kasabay ang pagtataas ng ating Pambansang Watawat, sa flag raising ceremony at flag retreat sa mga paaralan at sa harap ng munisipyo at kapitolyo sa iba’t ibang bayan sa mga lalawigan ay dapat inaawit nang malakas at may pagmamalaki.

Ang mga kababayan nating naglalakad ay humihinto bilang paggalang at pagpupugay. Kung nasa kalsada, tumatayo nang tuwid, inilalagay ang kanang palad sa kaliwang dibdib at sumasabay sa pag-awit. Ngunit marami ang nakapapansin na nawawala na ang paggalang at pagkanta ng Lupang Hinirang. Tila malamya at maputla ang nasyonalismo o pagiging makabayan.

Nakatawag ng pansin sa marami nating kababayan, nang marinig sa radyo at telebisyon at mabasa sa mga pahayagan, ang paghaharap ng panukalang-batas sa Kongreso tungkol sa wastong pagkanta ng LUPANG HINIRANG na ating Pambansang Awit. Batay sa isinasaad ng House Bill No. 5224 na dapat ay naaayon sa orihinal na arrangement o areglo ni Maestro Julian Felipe, isang makabayang kompositor at musician na kumatha ng ating Pambansang Awit. Martsa ang tiyempo ng Lupang Hinirang.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Isinasaad din sa panukalang-batas ang mga pagkakataon o okasyon na dapat kantahin ang ating Pambansang Awit. Ganito rin ang nilalaman ng REPUBLIC ACT 8491. Iniaatas din ng panukalang-batas na ang mga nasa ahensiya ng gobyerno ay dapat isaulo ang mga titik ng Lupang Hinirang gayundin ang mga mag-aaral. Kapag napagtibay ang nasabing panukalang-batas, ang mga lalabag sa probisyon ay magmumulta ng P50,000 hanggang P100,000 at may parusang isang taong pagkabilanggo. Pinapayagan din ng panukalang-batas ang pagsasalin ng Pambansang Awit sa mga diyalekto ng iba’t ibang rehiyon ng bansa. Ngunit ang translation ay kinakailangang may approval ng National Historical Commission (NHC) at ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF). Bukod sa mga nabanggit, isinasaad sa panuklang-batas ang rebisyon ng Flag and Heraldic Code of the Philippines.

Kung mapagtitibay ang panuklang-batas, marami ang naniniwala na makatutulong ito na mabago ang masamang asal ng marami nating kababayan at sa maling pag-awit ng Lupang Hinirang. Gagalangin na ang pagkanta sa ating Pambansang Awit. Hindi maikakaila at talagang nangyayari sa mga flag raising ceremony na hindi nasusunod ang tamang tiyempo ng pag-awit ng Lupang Hinirang.

Maging sa mga local at international competition na may kinatawan ang Pilipinas, inaawit ang Lupang Hinirang. Sa maraming pagkakataon tulad ng boksing, ang singer na naatasang kumanta ng Lupang Hinirang ay may kanya-kanyang paraan at istilo. Hindi nasusunod ang martsang himig ng ating Pambansang Awit. Nagkakamali pa minsan sa pagbigkas sa ilang titik ng Lupang Hinirang. At ang isa pang kapansin-pansin, iniiba ng mga singer ang tono. Nakahihiya. Ang sarap katusan at batukan.

Ngayong Hulyo 2, 2017, ang Pilipinang mang-aawit na kakanta ng Lupang Hinirang bago ang sagupaan nina Manny Pacquiao at Jeff Horn sa Brisbane, Australia, maririnig ng ating mga kababayan kung tama ang kanyang pagkanta.