Ni LESLIE ANN G. AQUINO

Bagamat tama lamang na suportahan at ipagdasal ng mga Pilipino ang panalo ni Manny Pacquiao tuwing lumalaban sa boxing, gaya ngayong Linggo ng umaga, nanawagan sa publiko ang isang obispo na huwag sayangin ang kanilang pera sa pagpupustahan sa mga laban ng eight-division boxing champion.

“Let us support him and encourage him for a win. But let us not gamble for this boxing fight,” sinabi ni Balanga Bishop Ruperto Santos sa isang panayam. “Don’t waste your hard earned money with betting, with games of chance.”

Ito ang ipinaalala kahapon ng pinuno ng Catholic Bishops Conference of the Philippines-Episcopal Commission on Migrants and Itinerant People (CBCP-EMCI) dahil tradisyon na para sa mga Pinoy ang magpustahan sa mga sports match, lalo na kapag may laban si Pacquiao.

BALITAnaw

ALAMIN: Mga dapat mong malaman tungkol kay Jose Rizal

Ipinaalala naman ni Bishop Santos sa mga Pilipino, partikular na sa mga nasa ibang bansa, na isang kasalanan ang pagsusugal.

“Remember betting is gambling, and gambling is sinful. And there is no joy, there is no glory with easy money thru gambling and corruptions,” aniya.

Sinabi ni Bishop Santos na mas mainam na tutukan na lamang ng mga Pilipino ang laban ni Pacquiao at huwag na lang magpustahan, at sa halip ay ipanalangin na lamang na manalo ang tinaguriang Pambansang Kamao laban sa Australian na si Jeff Horn.

“Just watch and enjoy the match. Don’t bet. Don’t gamble,” apela pa ng obispo. “Let us hope and pray for Sen. Manny’s win. He brings honor to our country. He makes us proud to be a Filipino.”

Idedepensa ng 38-anyos na si Pacquiao ang kanyang world welterweight title sa laban nila sa Brisbane, Australia ngayong Linggo, bandang 10:00 ng umaga.

Sa isang panayam, sinabi ni Pacquiao na iniaalay niya sa mga apektado ng krisis sa Marawi City, Lanao del Sur ang laban niyang ito.