Ni: Argyll Cyrus B. Geducos
Tumangging magkomento ang Malacañang sa report ng Reuters na nagsasabing ginagamit umano ng pulisya ang mga opisyal upang pagtakpan ang mga pagpatay sa drug war.
Ayon kay Presidential Spokesperson Ernesto Abella, dahil sumagot na ang Philippine National Police (PNP) sa report, wala nang maikokomento rito ang Palasyo.
“We will not make any comments regarding that matter. We will defer to the answer of General Bato po,” sinabi ni Abella, tinutukoy si PNP chief Director Gen. Ronald “Bato” dela Rosa, sa Mindanao Hour press briefing kahapon.
Batay sa report ng Reuters na inilathala nitong Huwebes, sinabing nasaksihan mismo ng mga residente ng Barangay Old Balara sa Quezon City kung paanong kinaladkad ng mga pulis “down the alley like pigs” ang pitong napatay sa umano’y pagkakasangkot sa droga bago isinakay ang mga ito sa isang truck at dinala sa ospital.
“An analysis of crime data from two of Metro Manila’s five police districts and interviews with doctors, law enforcement officials and victims’ families point to one answer: Police were sending corpses to hospitals to destroy evidence at crime scenes and hide the fact that they were executing drug suspects,” saad sa report ng Reuters.
Sinabi naman nitong Biyernes ni Dela Rosa sa isang panayam sa telebisyon na ang pagdadala sa ospital sa mga nabaril na suspek ay bahagi ng operational procedure.
“What do you want, we let the wounded die? You don’t want us to rescue his life?” sabi ni Dela Rosa.
Batay sa operational procedure, sa kaso ng engkuwentro ay kailangang doktor ang magdeklara kung buhay o patay na ang nabaril na suspek.
“Who are the policemen to say they are dead? They are not medical practitioners. If we did not bring them to the hospitals, the relatives might sue us.”
Sa kanyang panig, tiniyak naman ni National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Director Oscar Albayalde sa Reuters na ito ang unang beses na narinig niya ang tungkol sa pagdadala sa ospital sa mga napatay sa drug war upang pagtakpan ang insidente.
“We will have that investigated. If proven that police were intentionally moving these dead bodies and bringing them to the hospitals just to alter the evidence, then I think we have to make them explain,” ani Albayalde.