NAKAPAG-ULAT ng mga bagong kaso ng cyber attacks sa ilang bansa sa Europa, partikular na sa Ukraine, at sa Amerika.
Napaulat na napasok ng mapanirang software ang sistema ng computer ng mga kumpanya at nawalan sila ng access sa kani-kanilang files, na sinundan ng paghingi ng ransom upang maibalik sa kanilang kontrol ang nasabing files. Kabilang sa mga nabiktima ng cyber attacks ang mga tanggapan ng gobyerno, mga bangko, mga supermarket, at mga ospital.
Napapadalas at tumitindi ang mga pag-atake sa cyber universe. Ang ilan sa mga ito ay layuning magdulot ng seryosong pinsala sa mga partikular na organisasyon, kabilang ang mga gobyerno; kukuha ng maseselang datos bilang bahagi ng pag-eespiya sa mga kumpanya; magnanakaw ng mga impormasyon sa credit card at iba pang pinansiyal na datos para sa pansariling kapakanan; at isasabote ang operasyon ng pagkuha ng intelligence information ng ilang bansa.
Subalit ang pinakakilalang insidente ng cyber attack sa nakalipas na mga buwan ay nagsabing nagawang mapasok ng mga Russian hacker ang mga computer ng mga nangasiwa ng halalan sa Amerika sa huling eleksiyong pampanguluhan doon at nakaapekto umano ito sa resulta ng botohan. Iniimbestigahan na ngayon ito ng isang independent special counsel na itinalaga ng US Department of Justice.
Nangangamba ang mga opisyal sa Amerika na ang mga hacking operation ng Russia ay isang pag-atake sa mismong diwa ng demokrasya sa Amerika, ang eleksiyon nito. Dahil dito, nanawagan ang ilang opisyal na ibalik na lamang ang paggamit ng mga balotang papel upang matiyak na may pisikal na matutunton sakaling magkaroon ng imbestigasyon, sa halip na ang kasalukuyang sistema ng maraming estado ng Amerika kung saan ang lahat ay ginagawa ng mga computer, kaya naman walang pisikal na tala ng papel na maaaring busisiin.
Una nang napaglimi sa ilang bansa sa Europa ang posibleng panganib ng electronic voting. Inihinto na ng Germany ang sistemang ito ng electronic voting noong 2009 makaraang magpasya ang German Federal Constitutional Court na dahil sa paraang ito ay imposibleng mabusisi ng publiko ang resulta ng kanilang mga boto, ang electronic voting ay labag sa batas.
Sa Pilipinas, matagal nang kinuwestiyon ang pagiging tumpak ng proseso at resulta ng computerized na pagboto, partikular na sa pagsasama-sama ng kabuuan ng mga boto mula sa mga voting precinct at ang pagpapadala ng mga ito sa national election center. Maliban na lamang kung mailantad ang pruweba ng dayaan sa computerized election, kailangan nating gamitin ang umiiral ngayong electronic voting system.
Ngunit sa iba’t ibang panig ng mundo ay patuloy na dumadami ang mga ulat tungkol sa matagumpay na pakikialam ng mga hacker sa mga computer system at pagkontrol sa mga ito hanggang sa makabayad ng ransom, o sa bantang ilalantad ang mga sekretong files, o makaapekto sa resulta ng halalan. Kakailanganing pumili sa pagkakaroon ng ginhawa o paglalagay sa alanganin sa seguridad, habang ilang negosyo at establisimyento ang pumapayag sa ilang partikular na panloloko.
Subalit sa pangkalahatan ay walang gobyernong magpapahintulot sa dayaan sa halalan. Kaya naman isinasagawa ngayon ng US Department of Justice ang pagsisiyasat sa alegasyon ng Russian hacking sa nakalipas na eleksiyon na pumabor kay President Donald Trump.
Hindi pa tayo umabot sa ganito sa halalan natin dito sa Pilipinas, ngunit mahalagang dapat na lagi tayong alerto at handang magpatupad ng mga kinakailangang hakbangin sakaling may hinala tayo sa katotohanan ng resulta ng ating eleksiyon, na mangangahulugang nawalan ito ng silbi, dahil sa cyber attacks.