Ni: Mary Ann Santiago
Bulagta ang isang tricycle driver, na minsan nang sumuko ngunit hindi tumigil sa bisyo, nang pagbabarilin ng riding-in-tandem sa Sampaloc, Maynila, kamakalawa ng gabi.
Kitang-kita sa closed-circuit television (CCTV) footage ang pamamaril kay Angelito Pigao, alyas Butchoy, 38, ng 944 Masbate Street, sa Sampaloc, na agad namatay dahil sa apat na tama ng bala ng baril sa dibdib, mukha, at leeg.
Sa ulat ni PO3 Aldeen Legaspi, ng Manila Police District (MPD)-Crimes Against Persons Investigation Section (CAPIS), naganap ang krimen sa tapat ng isang convenience store sa G. Tuazon St., kanto ng Masbate St., bandang 6:15 ng gabi.
Nakatayo at nagkakape ang biktima sa tabi ng kanyang tricycle na nakaparada sa tapat ng convenience store nang sumulpot ang mga suspek na magkaangkas sa motorsiklo.
Bumaba ang angkas na suspek at pinagbabaril ang biktima.
Bigo ang mga saksi na makilala ang mga suspek dahil kapwa itong may suot na helmet.
Inaalam na ngayon ng awtoridad kung may kinalaman sa ilegal na droga ang pamamaril nang malaman na kabilang si Pigao sa drug watch list ng kanilang barangay at minsan nang sumuko sa Oplan Tokhang ngunit hindi tumigil sa bisyo.
Patuloy ang imbestigasyon sa insidente.