Ni: Celo Lagmay

PALIBHASA’Y may matayog ding pagpapahalaga sa palakasan o sports, ako ay naniniwala na isang malaking kawalan ng katarungan ang hindi pantay na karapatan na iniuukol sa ating mga atleta, may kapansanan man o wala. Ibig sabihin, walang dapat madehado sa nabanggit na grupo ng mga manlalaro, kung pag-uusapan ang pagkakaloob ng angkop na pagkakataon sa mga ayuda o suporta na dapat ipagkaloob ng iba’t ibang sports organization – lalo na ng gobyerno.

Ang ating mga obserbasyon ay hindi nangangahulugan ng pagpapabaya ng mga kinauukulang sektor sa pagpapasigla ng palakasan. Bagkus, nais lamang nating bigyang-diin ang kahalagahan ng ibayong pagsasanay ng mga atleta; na hindi dapat panghinayangan ang pagbubuhos ng malaking pondo para sa kanilang mga pangangailangan, tulad ng ginagawa ng ibang bansa. Malimit nating isulong ang puspusang pagpapatupad ng grassroots sports program o pagtuklas ng mga manlalaro sa mga kanayunan na itinuturing na kaban ng mga potential medalists.

Kasabay nito, hindi rin dapat ipagwalang-bahala ang pagsusulong ng karapatan ng mga atletang may kapansanan o para-athletes; marapat ding itaas ang kalidad o katayuan ng nabanggit na mga manlalaro. Kaugnay nito, makabuluhan ang pagkakabuklod ng Philippine Paralympic Committee (PPC) at ng Philippine Sports Association for the Differently Abled (PHILSPADA).

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Marapat pag-ukulan ng lubos na suporta ang mga programang inilatag ng PCC na pinamumunuan ni Michael Barredo.

Naniniwala ako na ang naturang programa na ipinamahagi na rin sa iba’t ibang sports institution na tulad ng Philippine Sports Commission (PSC) ay makapagpapaangat sa abang kalagayan ng mga atletang may kapansanan. Ang gayong sitwasyon ng mga manlalaro ay naiparating na rin kay Sen. Miguel Zubiri, chairman ng 2019 Southeast Games organizing committee. Wala nang dahilan upang hindi matugunan ang pangangailangan ng mga atleta, kabilang na ang mga lugar o venue para sa kanilang maayos na pagsasanayan. Wala nang magiging hadlang para sa kanilang malayang pagkilos.

Hindi dapat panghinayangan ang walang pag-aatubiling pagtulong sa ating mga disabled athletes. Hindi maaaring maliitin ang karangalang naibibigay nila sa ating bansa; makatuturan ang mga medalya na nahahakot nila sa iba’t ibang larangan ng sports.

Natatandaan ko si Josephine Medina, bronze medalist sa 2nd Paralympics noong 2016 Rio Paralympics. Nag-uwi rin ng bronze medal si Adeline Dumapong-Ancheta noong 2000 Sydney Olympics. Ilan lamang ito sa mga karangalang naibigay ng ating mga manlalarong may kapansanan para sa sambayanang Pilipino.

Ang pagpapahalaga sa karapatan na may kaakiibat na suporta sa ating mga atletang may kapansanan – at sa iba pang grupo ng ating mga manlalaro – ay marapat lamang na lalong pag-ibayuhin upang lalo silang magpunyagi sa paghahakot ng medalya para sa ating lahat.