Ni: Ric Valmonte

SUSUPORTAHAN ng Senado ang pangako ni Pangulong Rodrigo Duterte na ibabalik sa dati ang Marawi City pagkatapos ng pakikibakbakan ng gobyerno sa grupo ng Maute. Kasi naman, halos pinadapa at winasak ng gulo ang sibilisasyon nito.

Ayon kay Senate President Aquilino Pimentel III, ang hangarin ng Pangulo ay usaping pondo at prayoridad.

Kay Sen. Sherwin Gatchalian, ang P20 bilyon ay sapat na para sa tulong-pabahay. Ngunit, kailangan pa itong dagdagan para sa mga imprastruktura. “Batay sa government data,” wika niya, “60 porsiyento ng mamamayan ng Marawi ay mahirap, kaya pinakamahirap ang siyudad sa buong bansa.” Aniya, sa pagnanais na ibalik sa dati ang Marawi, kailangan lunasan ang kahirapan na siyang ugat ng Islamic extremism. Tiyakin daw na matamasa ng mga mamamayan ang mga batayang pangangailangan para sa kani-kanilang pamilya. Dapat magtayo ng mga bagong paaralan at ospital. Mayroon ding local economic at development center sa Marawi at Cotabato na mangangalap ng puhunan at lilikha ng trabaho.

Night Owl

Kailangan mong bumoto

Ang mga ipinapanukalang ito ng Senador ay ginawa na niya nang siya ay maglingkod bilang kongresista at alkalde ng Valenzuela. Sa maikling panahon ng kanyang panunungkulan, ikinalat niya at inilapit sa mamamayan ang mga batayang pangangailangan ng mamamayan. Nagsulputan sa gitna ng mga komunidad ang mga eskuwelahan, pagamutan at murang pabahay.

Dinagsa ang Valenzuela ng mga negosyante at mamumuhunan dahil sa malinis at disiplinadong pagpapatakbo ng pamahalaang lokal. Nagbigay naman ang mga ito ng maramihang trabaho. Isa nang napakaunlad na pamayanan ang Valenzuela at nagpapatuloy itong umunlad dahil ipinagpapatuloy ng kanyang mga kapatid na sina Mayor Rex at Congressman Wes ang kanyang mga sinimulan.

Ito dapat ang ginawa sa Marawi ni Pangulong Digong. Noon pa man, sa tuwing may sisiklab na kaguluhan sa Mindanao, ang kahirapan ang laging nababanggit na dahilan. Kung may kaunlaran umanong tinatamasa ang bansa, hindi nakararating dito ang biyaya. Napapabayaan ang bahaging ito ng bansa. Marahil, dahil sa kasaysayan ng ating pulitika, walang pinuno ng bansa na nagbuhat dito. Pero ngayon, biniyayaan ito ng pagkakataon na tagarito mismo ang Pangulo, napakadaling tumulong para umunlad. Ginawa ito ng mga pangulong nauna kay Pangulong Digong sa kani-kanilang lugar, bakit hindi niya ito ginawa?

Napaunlad ni Pangulong Digong ang Davao na pinaglingkuran niya nang matagal, bakit hindi niya mapaunlad ang kabuuan ng Mindanao upang mapabuti ang buhay ng mga tagarito? Kung ang impluwensiya ng ISIS at ng droga ang problema, napakadaling ibaling sa Mindanao ang biyaya at pagkalinga ng buong bansa para malunasan ang kahirapan na ugat ng mga problema. Kaya lang, lubhang naging abala ang Pangulo sa kanyang kampanya laban sa droga. Ang nangyari, pinalubha lamang ng militarisasyon ang kahirapan sa Marawi.