MULING masusubok ang tikas ni Pinoy fighter Joshua Pacio tungo sa kampanyang makalaban sa ONE Championship strawweight title sa pakikipagtuos sa wala pang talong si Japanese MMA veteran Hayato Suzuki sa undercard of ONE:
Kings and Conquerers sa Agosoto 15 sa Cotai Arena sa Macau.
Ang tinaguriang ‘Wonderboy’ mula sa Baguio City, tatangkain ng 21-anyos na si Pacio na masundang ang impresibong panalo via decision kontra sa dating kampeon na si Dejdamrong Sor Amnuaysirichoke nitong Marso.
Target niyang masungkit ang tsansa na makaharap ang kasalukuyang kampeon na si Yoshitaka Naito.
Hawak ni Pacio ang 12-1 karta at marami ang naniniwala na makukuha niya ang minimithing world title.
Ngunit, bago makaharap si Naito, kailangan niyang malagpasan ang hamon ni Suzuki, napatanyag sa mundo ng MMA bunsod ng malalaking panalo kabilang na ang mga pamosong sina DEEP at Grachan.
Hindi pa nadudungisan ang dangal ni Suzuki sa 18 laban, tampok ang 16 na panalo, kung kaya’t isang malaking hamon sa pambato ng Team Lakay ang pagkakataon.
Sasabak din ang isa pang Pinoy na si Eric Kelly kontra Kotetsu Boku sa isa pang undercard ng ONE card sa Macau.
Sa edad na 36 at tangan ang 12-3 karta, itinuturin pa ring mapanganib na fighter si Kelly, huling lumaban sa Dynasty of Champions sa nakalipas na taon kung saan nabigo siya kontra Narantungalag Jadambaa.
Ngunit, bago ang kabiguan, ipinapalagay na isa sa pinakamahuhusay na Pinoy fighter si Kelly na nakapagtala ng impresibong panalo kontra sa matitikas na sina dating UFC lightweight champion Jens Pulver at Australian banger Rob Lisita.
Tampok na duwelo sa ONE fight card ang laban nina Bibiano Fernandes at Andrew Leone para sa bantamweight title.