Nina ALI G. MACABALANG at FRANCIS T. WAKEFIELD

MARAWI CITY – Higit pa sa miserableng detalye ng tumitinding labanan ng puwersa ng gobyerno at ng mga terorista ang nakapanlulumong kuwento ng napaulat na pagtitiyaga ng mga asong gala sa nagkalat na bangkay ng tao at hayop sa Marawi, habang nagtitiis naman ang mga residenteng naiipit sa labanan sa pagkain ng karne ng nasabing mga aso upang manatiling buhay hanggang sa matapos ang digmaan.

Sa kanyang Facebook post nitong Huwebes, ibinunyag ng mga prominenteng netizen ang tungkol sa nakaririmarim na salaysay ng mga survivor na nakatakas sa pagkakabihag ng Maute.

Ayon kay Robert Maulana Marohombsar-Alonto, isang peace advocate na gumagamit ng tunay niyang pangalan sa Facebook, ikinuwento sa kanya ng nakatakas na bihag ng Maute kung paanong nakita mismo nito ang pagkain ng mga asong gala sa mga agnas na bangkay na nagkalat sa Marawi.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Kasabay nito, kinumpirma ng survivor na umaasa na lang ang mga residenteng naipit sa labanan sa karne ng mga asong gala para mairaos ang pagkain.

NAGKALAT NA KALANSAY

Kinumpirma ng iba pang netizen ang post ni Alonto sa pagpo-post ng mga litratong kuha nila nang pasukin ng rescuers ang siyudad sa kalagitnaan ng walong-oras na “humanirtarian truce” para sa Eid’l Fitr nitong Hunyo 25. Sa mga litrato, makikita ang nagkalat na mga bangkay ng mga tao, ang ilan ay naagnas habang ang iba ay halos buto na lamang.

Una nang iniulat ng militar na nasa 100 pa ang bihag ng Maute hanggang ngayon, bukod pa ito sa ilang hindi tukoy ang bilang na naiipit sa loob ng kanilang mga bahay sa mismong war zone.

429 NA ANG NASAWI SA MARAWI

Samantala, kinumpirma kahapon ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na nadagdagan pa ang mga sundalong nasawi sa Marawi, at umabot na kahapon sa 82 ang killed in action.

“Yes, as of 6 p.m. Thursday, 82 na (KIA),” sabi ni AFP Spokesman Brig. Gen. Restituto Padilla.

Sinabi rin ni Padilla na nasa 303 terorista na ang napapatay, habang 44 naman ang nasawing sibilyan.

Dagdag pa niya, may 1,713 sibilyan na ang na-rescue at nasa 382 armas ng Maute ang narekober.

Kasabay nito, nagbigay din ng babala si Padilla sa publiko kaugnay ng planong mga pag-atake ng New People’s Army (NPA) sa mga people-oriented program at proyektong imprastruktura at hiniling sa lahat na maging alerto at mapagmatyag sa lahat ng oras.

“We also appeal to everyone to share information with authorities on suspicious persons and activities in their communities. If we work together, we can prevent this extortion related activities,” ani Padilla.