NAKASANDAL sa pader ang kampanya ng No.7 seed Batang Gilas National basketball team kung kaya’t kailangan ng Pinoy na maipanalo ang laro kontra Poland at Turkmenistan Huwebes ng gabi upang makausad sa quarterfinals ng Fiba 3x3 Under-18 World Cup sa Chengdu, China.
Matikas ang naging simula nina AJ Edu, Juan Gomez de Liano, Encho Serrano at Rhayyan Amsali nang maungusan ang Israel, 19-17, ngunit kinapos sa ikalawang laro kontra top seed Netherlands para sa 1-1 karta sa Group A.
Walang laro ang Batang Gilas nitong Huwebes at inasahang mapapalaban ng todo sa pagbabalik-aksiyon laban sa Poland, ginapi ng Israel, at Turmenistan.
Iginiit ni coach Anton Altamirano na kumpiyansa ang koponan na makausad sa susunod na round ng torneo na kabilang na sa regular sports sa 2020 Tokyo Games.