Ni: Vanne Elaine P. Terrazola

Pinagbabaril hanggang sa mamatay ang isang drug suspect sa tapat mismo ng bahay nito sa Quezon City, kahapon ng madaling araw.

Kinilala ang biktima na si Jackson Frasdilla, 49. Siya ay inatake ng anim na armado, na pawang nakasuot ng maskara, sa kanyang bahay sa Campo Verde Street, Group 2, Area B ng Barangay Payatas, dakong 3:00 ng madaling araw.

Base sa inisyal na imbestigasyon, nakatayo si Frasdilla sa tapat ng kanyang bahay nang sumulpot ang mga armadong lalaki.

National

PBBM sa kapalaran ng ICI: 'They are really coming towards to the end!'

Sa report ng Batasan Police Station (PS-6), ayon sa kamag-anak ni Frasdilla, bago barilin ang biktima ay sumigaw ito na dumating ang kanyang mga katrabaho para kunin ang isang liham mula sa kanya.

Ayon sa pamangkin ng biktima, lumabas siya upang tingnan at nakita ang anim na nakamaskarang lalaki.

Maya-maya, tatlo sa mga ito ang bumunot ng baril at paulit-ulit na pinaputukan si Frasdilla.

Mabilis na nagsitakas ang mga suspek matapos ang pamamaril.

Isa pang kamag-anak ng biktima ang nagsabi sa mga imbestigador na sangkot si Frasdilla sa ilegal na droga at tumangging sumuko sa awtoridad.

Patuloy ang imbestigasyon sa insidente.