SA nagpapatuloy na pakikipagbakbakan ng gobyerno laban sa mga rebeldeng Maute sa Marawi City sa Lanao del Sur, na sinundan ng pag-atake ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) sa Pigcawayan, North Cotabato, masyado nang natutukan ng pamahalaan ang pakikipagsagupaan sa mga terorista sa Marawi kaya hindi na nito gaanong napagtutuunan ng pansin ang iba pang problemang dulot ng ilang dekada nang rebelyon ng New People’s Army (NPA).
Halos limang dekada na ang rebelyon ng NPA sa iba’t ibang panig ng bansa, na ang malaking bahagi ay sa Central Luzon noong dekada ’70, kumalat sa rehiyon ng Bicol, hanggang sa Mindanao kung saan pinakaaktibo ito ngayon. Kumilos si Pangulong Duterte upang resolbahin ang problema sa NPA sa pagsisimula ng kanyang administrasyon noong 2016 sa pamamagitan ng serye ng negosasyong pangkapayapaan na pinangasiwaan ng Norway at Netherlands. Itinakda ang muling paghaharap ng magkabilang panig para sa ikalimang pulong noong Mayo, subalit sinalakay ng Maute, na suportado ng Islamic State, ang Marawi City at kaagad nitong tinugunan ni Pangulong Duterte sa pamamagitan ng pagdedeklara ng batas militar sa buong Mindanao.
Sa kasagsagan ng bakbakan sa Marawi City, malugod na tinanggap ng Pangulo ang ayudang ipinadala ng Amerika alinsunod sa ating Mutual Defense Treaty. Sinabi niyang bukas din siyang tanggapin ang tulong ng mga pangunahing organisasyong Moro — ang Moro Islamic Liberation Force (MILF) at Moro National Liberation Force (MNLF) — laban sa pagrerebelde ng Maute, na mayroon pang mga mandirigmang dayuhan. Binanggit niyang bukas din siya sa posibilidad na magbigay din ng ayuda ang NPA.
Ang NPA, sa pamamagitan ng pulitikal nitong sangay na National Democratic Front of the Philippines (NDFP), at ang Communist Party of the Philippines (CPP), ay bahagi ng mga negosasyong inilunsad ni Pangulong Duterte. Bagamat suportado ng kilusan ang mga negosasyon, patuloy pa rin itong nagsasagawa ng mga pag-atake sa iba’t ibang dako ng bansa, ang huli ay sa Zambales, Cagayan, at Iloilo.
Sa unang bahagi ng linggong ito, bilang kinatawan ng Malacañang ay sinabi ni Presidential Spokesman Ernesto Abella, “We are disturbed by the recent NPA attacks, considering that their leader in Europe issued a statement condemning the incident in Marawi.… These NPA attacks disrupt the conducive and enabling environment indispensable in peace making and peace building.”
Tumugon ang NDFP sa Davao City, sa pamamagitan ng vice chairman nitong si Alan Jasmines, ay sinabing naninindigan ang NDFP na ipagpatuloy ng magkabilang panig ang kanilang mga pag-uusap tungkol sa reporma sa lupa, pambansang industriyalisasyon, pagbibigay-proteksiyon sa kalikasan, malayang pagpapairal ng mga karapatang pang-ekonomiya, panlipunan, pangkultura at soberanya sa ekonomiya — “even as the fighting continues.”
Hindi kaiga-igaya ang ganitong sitwasyon sa pagdaraos ng mga usapang pangkapayapaan. Inaasahan natin mula sa magkabilang panig ang higit na positibo, higit na may pag-asa, higit na optimistiko, at higit na bukas na negosasyon.
Sa pangkalahatan, buo pa rin ang ating pag-asa na magpapatuloy na ang pag-uusap na napakapositibo ng simula noong nakaraang taon, at sa huli ay makalilikha ng isang kasunduan na magbibigay-tuldok sa rebelyon na ilang taon nang umiiral sa ating bansa.