Ni FREDDIE C. VELEZ

CITY OF MALOLOS, Bulacan – Isinugod sa Bulacan Medical Center ang hepe ng Malolos City Police na si Supt. Heryl Bruno at dalawa niyang tauhan matapos silang makipagbarilan sa nag-iisang umano’y kilabot na tulak na sadya ng kanilang buy-bust operation sa Barangay Guinhawa, bandang 11:50 ng gabi nitong Huwebes.

Kinumpirma ni Senior Supt. M. Romeo Caramat Jr., acting Bulacan Police Provincial Office director, na napatay ang sinasabing drug dealer sa operasyong ikinasa ng pulisya ng Malolos at Calumpit katuwang ang K9 Unit ng Special Weapons and Tactics (SWAT) ng Provincial Public Safety Company (PPSC).

Kinilala ang napatay na suspek na si Jedryan Nogales, alyas “Jepoy”, 28, ng A. Del Mundo Street, 2nd Avenue, Caloocan City, na isa umanong kilabot na tulak sa Calumpit.

Probinsya

OFW na hinoldap, inundayan ng saksak sa terminal sa Maynila, nakauwi na ba sa pamilya?

Ayon kay Caramat, nakipagtransaksiyon umano ang mga operatiba ng Calumpit Police kay Nogales sa Malolos crossing junction sa Bgy. Guinhawa pero nakahalata ang suspek at binunot ang kanyang .45 caliber pistol para paputukan ang mga awtoridad.

Habang tumatakbo papatakas dumating ang mobile team ng Malolos City Police, sa pangunguna ni Supt. Bruno at nakipagbarilan kay Nogales hanggang sa tumagal ng 10 minuto ang engkuwentro at mapatay ito.

Bukod kay Supt. Bruno, sugatan din sina PO1 Ahamad, ng SWAT; at PO1 Garbin, habang nasamsam naman sa bangkay ng suspek ang isang .45 caliber pistol na kargado ng limang bala, at limang gramo ng hinihinalang shabu.

Samantala, sinabi ni Senior Supt. Caramat na may pito pang umano’y drug pusher ang napatay sa panlalaban sa mga awtoridad: tatlo sa Malolos, dalawa sa Norzagaray, isa sa San Rafael, at isa sa Marilao.

Napatay sa Malolos City si alyas “Alvin”, nasa hustong gulang, ng Bgy. Caniogan; alyas “Ona”; at si Rodelio Villadores Flores, ng Caloocan City.

Sa Norzagaray, napatay din sina alyas “Jun Batang”, nasa barangay drug watch list; at alyas “Ricky”. Samantala, kinilala lang sa alyas na “Burdado” ang napaslang sa Bgy. Pasong Intsik, San Rafael; habang hindi pa natutukoy ang pagkakakilanlan ng lalaking napatay sa Marilao.