Ni: PNA
BINIGYANG-DIIN ng isang eksperto sa turismo ang pangangailangan upang mabigyang-kapangyarihan ang mamamayan ng isang bansa bilang mga kinatawan ng kanilang bayan.
Sa ikalawang araw ng United Nations World Tourism Organization International Conference of Tourism Statistics nitong Huwebes, nagprisinta ng lecture si Vincent Nijs, ang research project manager ng VisitFlanders ng Belgium, ang “Learnings from ‘Resident Attitudes towards Tourism’ for Tourism City Management Activities”.
Ang VisitFlanders ang tanggapan na nagsusulong ng turismo ng Flanders, ang isa sa tatlong rehiyon sa Belgium.
Tinalakay ni Nijs kung paanong nauunawaan ang konsepto ng turismo sa mata ng isang turista, sa katotohanang kasing halaga ng dadayuhing tanawin ang mga residente sa tourism destination.
“Even the best destinations need supportive, happy and positive residents to convey the identity of the destinations in a positive way,” sabi ni Nijs.
Ginamit na halimbawa ang dinadayo sa Belgium na City of Bruges sa Flanders, binigyang-diin ni Nijs ang pangangailangang bigyang-kapangyarihan ang mamamayan upang maisulong ang suporta sa turismo.
“Empowered residents are better ambassadors, spokespersons of the city. The more residents feel empowered — proud, feel connected, are given a voice, are part of policy making and planning — the more they see positive impacts and less of the negative impacts of tourism activities,” sabi ni Nijs.
“The more they see positive impacts, the more they support tourism,” dagdag ni Nijs.
Ang tatlong-araw na International Conference on Tourism Statistics ay idinaos nitong Hunyo 21-23 sa Marriott Hotel sa Maynila.
Nagbigay-daan ang kumperensiya upang matalakay ang mga inisyatibo sa polisiya tungkol sa kahalagahan ng pagkakaroon ng statistical framework para masukat ang napapanatiling turismo sa mundo.
Dinaluhan ito ng nasa 1,000 delegado, kabilang ang mga opisyal mula sa mahigit 80 bansa.