Ni: Mary Ann Santiago
Sugatan ang isang rider nang ma-hit-and-run ng isang pampasaherong jeep sa Sta. Cruz, Maynila kamakalawa.
Isinugod sa Jose Reyes Memorial Medical Center (JRMMC) si Aileen Ybanez, 28, ng San Labrador Himalayan, Pasong Tamo, Tandang Sora, Quezon City dahil sa pinsala sa katawan.
Habang tumakas naman ang hindi pa nakikilalang driver ng pampasaherong jeep (PJX-773) na nakasagi sa kanya.
Sa imbestigasyon ni SPO2 Rommel Del Rosario, ng Manila District Traffic Enforcement Unit (MDTEU), naganap ang insidente sa southbound lane ng Rizal Avenue, malapit sa Gonzales Puyat Street sa Sta. Cruz, dakong 9:20 ng umaga.
Binabaybay ng biktima, sakay sa kanyang motorsiklo (1757-SG), ang nasabing lugar at pagsapit sa tapat ng isang fastfood chain ay nasagi ng jeep.
Dahil dito, nawalan ng kontrol ang biktima at bumagsak sa kalsada.
Sa halip na huminto at tulungan ang biktima ay nagpatuloy lamang ang suspek sa pagmamaneho habang isinugod ang biktima ng ilang concerned citizen sa nasabing ospital.
Nakikipag-ugnayan na ang awtoridad sa Land Transportation Office (LTO) upang matukoy kung kanino nakarehistro ang jeep at kung sino ang driver nito.