Ni: Fer Taboy

Hinarang ng militar ang siyam na miyembro ng pamilya Maute makaraang dumaan sa isang checkpoint ng militar sa Maguindanao kahapon.

Ayon kay Senior Supt. Agustin Tello, director ng Maguindanao Police Provincial Office (MPPO), nakilala ang mga pinigil na sina Alimatar Guro Maute, Apok Pili Maute, Mohamad Ali Maute, Saida Guro Maute, Amiladen Analo Maute, Mislanao Analo, Aisa Kalthum Sacaria, at dalawang menor de edad.

Sinabi ni Tello na naharang ng 37th Infantry Battalion ng Philippine Army ang magkakamag-anak sa Barangay Macaguiling, Sultan Kudarat, Maguindanao habang sakay sa isang Toyota Innova (MEX-811).

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Hiningian ng ID ng mga sundalo ang mga ito at nadiskubre na pawang Maute ang apelyido ng mga sakay sa Innova.

Dinala sila sa tanggapan ng Criminal Investigation and Detection Group-Autonomous Region in Muslim Mindanao (CIDG-ARMM) sa Cotabato City.

Sinabi naman ni Senior Supt. James Allan Logan, hepe ng CIDG-ARMM, na galing sa Cotabato ang pamilya Maute para kumuha ng clearance mula sa National Bureau of Investigation (NBI) at pauwi na noon sa bayan ng Marugong sa Lanao del Sur.

Niliwanag naman ni Mohamad Ali Maute na hindi sila kasapi ng grupong pinamumunuan ng magkapatid na Abdullah at Omar Maute, bagamat totoong kaanak at kaapelyido nila ang mga ito.

Ang pagkuha nila ng NBI clearance ay patunay na wala silang kinalaman sa Maute Group, ayon kay Mohammad Ali.