Ni: PNA
NAGSUMITE ng panukalang-batas si AKO Bicol Party-list Rep. Rodel Batocabe na layuning magtaguyod ng isang pambansang programa sa pag-iwas at pagkontrol sa dengue, isang sakit mula sa lamok na naging sanhi ng pagkamatay ng 600 katao sa rehiyon ng Bicol noong 2015.
Ayon sa kanya, ang House Bill na ito, kilala bilang “Anti-Dengue Act”, ay naghahangad na makontrol at maiwasan ang paglaganap ng dengue sa pamamagitan ng pagkakaroon ng multi-agency committee sa ilalim ng pamumuno ng Department of Health (DoH).
Sinabi ni Botocabe sa isang panayam kamakailan na noong 2015 ay mayroong mahigit 200,000 kaso ng dengue sa bansa na nadagdagan ng 80,000 insidente kumpara noong 2014.
“This upward trend in reported cases should be enough to tackle this problem more aggressively,” aniya.
Dagdag pa niya, isinumite na niya ang HB 3730 dahil kinakailangang pagtuunan ng pansin ang dengue ng “much more rudimentary level.”
Kaakibat nito, iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan, aniya, ang tutulong sa pagsusulong ng programa sa pagpapatupad ng mga aktibidad, gaya ng regular na paglilinis sa mga barangay, paaralan at tanggapan ng gobyerno.
Upang maiwasan at makontrol ang paglaganap ng dengue, kinakailangang magsagawa ng kampanya tungkol sa pagkamulat sa dengue, mga programa upang maprotektahan ang sarili laban sa sakit, pagkakaroon ng mga health center kung saan puwedeng kumonsulta tungkol sa dengue, at mga programang magtuturo sa publiko kung paano maiiwasan ito.
Nakasaad sa panukala na ang multi-agency committee sa ilalim ng pamumuno ng DoH sa programang National Center for Disease Prevention and Control, ipapatupad ang National Dengue Prevention and Control Program.
Ang Anti-Dengue Act ay nagbibigay ng awtorisasyon sa Departments of Science and Technology, Interior and Local Government, Environment and Natural Resources, at Education, at Metropolitan Manila Development Authority upang magsagawa ng mga programang susuporta sa DoH laban sa dengue.
Inaanyayahan ng DOH-Bicol ang lahat na isagawa ang “4S” upang maiwasan ang pagkakaroon ng dengue. Ito ay ang: “Search and destroy mosquito breeding places”, “Self-protection measures”, “Seek early consultation for fever lasting more than two days”, at “Say yes to fogging when there is an impending outbreak.”