Ni: Mina Navarro at Bella Gamotea
Isa na namang dayuhan ang inaresto ng Bureau of Immigration (BI) operatives.
Tuluyan nang nadakip ang Japanese na si Suzuki Yuya, 38, wanted sa pagkakasangkot sa insurance fraud at swindling sa Tokyo, Japan.
Ayon kay Commissioner Jaime Morente, hinuli si Yuya ng mga tauhan ng fugitive search unit (FSU) ng BI sa kanyang tinutuluyan sa Pearl Street, South Greenpark Village, Severina Avenue Km. 18, Parañaque City.
Nag-isyu ng mission order si Morente nang hilingin ng embahada ng Japan na dakpin ang dayuhan na naiulat na tatlong taon nang nagtatago sa bansa.
Idinagdag pa ni Morente na si Yuya ay hindi dokumentadong dayuhan matapos kanselahin ng pamahalaan ng Japan ang kanyang pasaporte.
Aniya, nakatakdang i-deport si Yuya dahil sa pagiging banta sa kaligtasan ng publiko.
Kinasuhan ang dayuhan ng health insurance fraud, kung saan kumita ito ng mahigit 22 milyong yen noong Setyembre 2010, matapos magsinungaling sa isang medical insurance company na siya ay nagpagamot ng cancer.
Kinasuhan din si Yuya ng pandaraya sa isa pa niyang biktima, na pinagkakitaan niya ng mahigit 490,000 yen, nang pilitin niyang mamuhunan sa coin trading.
Nakakulong ngayon si Yuya sa warden facility ng BI sa Camp Bagong Diwa, Bicutan sa Taguig City.