Ni ARGYLL CYRUS B. GEDUCOS

Sinabi ng Malacañang kahapon na bukas ang Pilipinas sa pagkakaroon ng mas maraming engagement sa China.

Kasunod ito ng pahayag ni Chinese Ambassador to the Philippines Zhao Jianhua nitong Miyerkules na bukas ang China sa posibilidad ng joint counter-terrorism exercises kasama ang militar ng Pilipinas para malabanan ang terorismo.

Sinabi ni Presidential Communications Operations Office (PCOO) Assistant Secretary Ana Marie Banaag na hindi isinasara ng Pilipinas ang pintuan nito sa ideya na magkaroon ng joint exercises sa China sa pagbuti ng relasyon ng dalawang bansa.

National

PBBM admin, nagsisilbing ‘totoong kalamidad’ sa ‘Pinas – Maza

“The relationship of China and the Philippines, it has improved during the President’s time. The President had been very vocal about this--that the Philippines wanted to engage with China not only with economics and trade, but also in security and defense, if and when,” wika ni Banaag sa regular briefing sa Palasyo kahapon ng umaga.

Ayon kay Banaag, nagpapasalamat ang Pilipinas sa lahat ng tulong ng China ngunit tumangging magkomento kung paano maaapektuhan ng joint exercise sa China ang umiiral na defense treaty ng Pilipinas sa United States.

“Of course, we welcome whatever assistance that the Chinese government can provide. But we cannot comment yet on how this would affect, because it’s not yet there, in so far the treaties with the United States is concerned,” aniya.

Sa kabila ng patuloy na agawan ng teritoryo sa South China Sea, bumubuti na ang relasyon ng Pilipinas at China simula nang maupo si Pangulong Rodrigo Duterte.

Nitong Miyerkules, sinaksihan ni Duterte ang turnover ng unang batch ng P590 milyong halaga ng high-power assault at sniper rifles kasama ang milyun-milyong bala mula sa China.

Sinabi ni Zhao, sa turnover ceremony sa Pampanga, na tinitingnan ng Beijing ang posibilidad ng pagdadaos ng joint military training at exercises, at intelligence sharing ng Chinese military at ng Armed Forces of the Philippines.

Noong Martes, nagkaloob ang China ng P15 milyon bilang suporta sa relief operations at rehabilitasyon sa Marawi City, Lanao del Sur.

“The said donation from China to the Philippines is an example of the flourishing partnership between the two countries and their shared commitment towards sustainable peace in the region,” pahayag ng PCOO.