Ni Ernest Hernandez

NGAYONG tabla sa 2-2 ang 2017 OPPO-PBA Commissioners Cup best-of-seven Finals, asahan ang mas mainit na hidwaan at balikatan sa magkaribal para sa hinahangad na kalamangan.

PBA copy copy

Sa Game Four, lutang ang balyahan at pitpitan, at sa pagkakataong ito ay kinasangkutan nina Katropa import Joshua Smith at Beermen forward Arwind Santos.

ALAMIN: Mga dapat malaman at gawin upang maging ligtas sa ‘tsunami’

Sa isang sitwasyon, nagawang pigilan ni Santos sa double-team defense ang ratsada ni Smith, ngunit sa ikalawang pagkakataon, aksidenteng nabatukan ng two-time MVP ang Katropa import.

Hindi ito naibigan ni Smith at kagyat na isinalya ang tinaguriang ‘Spider-Man’ na napahiga sa sahig. Binigyan ng flagrant foul si Santos, ngunit nakalusot si Smith na hindi naibigaan ng Beermen bench.

"Nireklamo ko nga kasi nagulat ako sa ibinigay na flagrant foul," pahayag ni Santos. "Hindi lang talaga solid pero nadaplisan niya ako sa tenga. Above the shoulder pa rin yun. Dapat kung tinawagan mo ako ng F1, dapat siya rin,” aniya.

Nanatiling nakahinga sa sahig si Santos matapos ang panunulak ni Smith, habang ipinalalabas ang slow motion ng naturang play sa big screen. Umalingaw ang ‘boos’ mula sa mga tagasuporta ng TNT nang makitang tila pinagrabe lang ni Santos ang sitwasyon.

"Hindi naman flop. May tama talaga," depensa ni Santos.

"Kailangan sa basketball player, puwede ka rin mag-artista paminsan-minsan," aniya. "Yung akin, yung mga ganung sitwasyon, puwede ka talaga tawagan, above the shoulder, tumama talaga, dumaplis kaya in-arte ko."

Aniya, tila nag-init si Smith sa kanya dahil sa pagbutata niya sa unang double-teaming defense ng Beermen.

"Pwede, diba? Nasaktan siya siguro noong nagbigay ako ng hard foul kaya siguro gumanti. Ganun talaga ang basketball minsan hindi mo mapigilan emosyon mo."

Sa kabuuan, tanggap ni Santos ang itinawag na flagrant foul, ngunit nanindigan siya na binigyan din dapat ng F1 si Smith ng referee.

"Yun lang yung punto namin. Pangit ang tawagan masyado," pahayag ni Santos. "May mga bago na naman - yung travelling.

Samantalang dati, yung mga move na iyon eh... ang masama nito ang daming travelling sa kabila hindi naman natawagan. Kaya hindi naman balanse. Yung mga players naman nila hindi tinatawagan. Yun lang. Parang inconsistent lang talaga."