Ni: Aaron B. Recuenco
Napigilan ng pulisya ang pinlanong pambobomba sa General Santos City makaraang maaresto ang isang miyembro ng isang grupong inspirado ng Maute Group na itinalaga umano upang magpuwesto ng mga improvised explosive device (IED).
Sinabi ni Supt. Romeo Galgo, tagapagsalita ng Police Regional Office (PRO)-12, na naglunsad na ang pulisya ng malawakang pagtugis laban sa dalawang kasamahan ng naaresto nilang si Abdulazis Mangambit Tungan, 20 anyos.
Si Tungan, tubong Maasim, Sarangani, ay napaulat na miyembro ng Ansar Al-Khalifa Philippines, isang grupong sumumpa ng alyansa sa ISIS (Islamic State of Iraq and Syria) kasama ng Maute Group.
“With his arrest, we were able to deter the bombing plans which we have been receiving in the past weeks,” sabi ni Galgo.
Batay sa intelligence reports, isang teroristang grupo ang napaulat na nagpaplanong magsagawa ng pambobomba sa General Santos City, at kabilang sa mga pinuntirya ang City Hall, ilang simbahan, at ilang shopping mall.
“He (Tungan) was seen standing beside the church of a religious sect, suspiciously uneasy. He attempted to run when his arrest was announced but he was immediately cornered,” sabi ni Galgo, idinagdag na nangyari ang pag-aresto nitong Miyerkules ng umaga.
Nasamsam umano mula kay Tungan ang isang granada.