NGAYONG huling araw ng Hunyo, inihayag ng lokal na pamahalaan ng Quezon City na makukumpleto na nito ang dalawang-araw na paglilinis sa apat na ilog sa siyudad at sa 41 daluyan ng mga ito, isang taunang aktibidad na alinsunod sa Presidential Proclamation 237 na nagdedeklara sa Hunyo bilang Philippine Environment Month na nilagdaan ni Pangulong Corazon C. Aquino noong 1988.
Ang Quezon City ang pinakamalawak sa lahat ng siyudad sa Metro Manila kaya naman may malaking kontribusyon ito sa polusyong umaagos sa iba’t ibang dako ng rehiyon patungong Ilog Pasig, hanggang sa Manila Bay. Sa isinagawang paglilinis noong nakaraang taon, ang kabuuan ng nahakot na basura mula sa mga daluyang tubig ng lungsod ay pumuno sa 104 na dump truck, isang malaking kaibahan kumpara sa 194 na dump truck na napuno ng basura noong 2003.
Simula noong Marso 1, nagsipaglinis na rin ng kani-kanilang mga ilog, sapa, estero at iba pang daluyan sa pinakamatataong lugar ang iba pang siyudad sa Metro Manila, katuwang ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
Kabilang sa pinakamalalaki sa mga daluyang ito ay ang Lapu-Lapu at Letre canal sa Malabon, ang Pasong Malapad creek sa Caloocan, ang Balanti creek sa Marikina, ang Waling-Waling, Tangque, Sta. Lucia at Viola creeks sa Quezon City, ang Pasig River Basin sa Port Area at San Miguel, Quiapo, Magdalena, at Maypajo esteros sa Maynila, ang Pinagkatdan creek sa Pasig, ang Pinagsama creek sa Taguig, ang Sto. Rosario-Silangan River sa Pateros, ang Tripa de Gallina estero at Buendia outfall sa Makati, ang Sto. Niño creek at Libertad open canal sa Pasay, ang Coastal open canal sa Parañaque, ang Dahlig creek sa Las Piñas, at ang Pasong Diablo River sa Muntinlupa.
Sinasabing nang magtungo sa Maynila ang Amerikanong urban planner na si Daniel Burnham noong ika-20 siglo, nakita niya ang magandang Ilog Pasig at ipinaalala nito sa kanya ang Seine ng Paris. Ang maraming daluyan na umaagos patungo sa Pasig ay inihambing niya sa mga canal ng Venice.
Gayunman, sa mga sumunod na dekada ay tuluy-tuloy na bumara ang mga dumi at basura sa Pasig at sa mga daluyan nito.
Pagsapit ng 1990, tuluyan nang namatay ang Ilog Pasig, sa aspetong biological. Ang santambak na basura mula sa libu-libong bahay at pabrika na nakatirik sa gilid ng mga ilog at estero ang pumatay sa lahat ng buhay sa Ilog Pasig at ngayon ay nagdudulot ng matinding banta ng panganib sa Manila Bay. Ilang batas na ang naipasa para sa proteksiyon at pangangalaga sa lawa, na nagbunsod sa paglikha sa Manila Bay Environmental Management Project noong 2000 at isang Operational Plan for the Manila Bay Coastal Strategy. Taong 2008 nang obligahin ng Korte Suprema ang iba’t ibang ahensiya ng gobyerno, pambansa at lokal, na magpatupad ng mga plano at magsumite ng progress report tungkol dito.
Ang Pasig at ang mga daluyan nito, gayundin ang Manila Bay, ay nananatiling marumi hanggang ngayon. Nabigo ang hindi pinag-ugnayang mga pagsisikap ng iba’t ibang lokal na pamahalaan at ahensiya ng gobyerno sa paglilinis sa mga ito.
Subalit ilang taon na ang nakalilipas, nagtagumpay ang mga opisyal ng siyudad sa paghimok sa mga residente sa tatlong-kilometrong Estero de Paco upang magtulung-tulong. Dahil sa tagumpay nito, nakumbinse ang marami na ang mga pagpupursige upang linisin ang mga daluyan sa Metro Manila ay maaaring maisagawa, kahit sa paisa-isang daluyan.
Idinaos ng Quezon City nitong Miyerkules ang una nitong kampanya sa paglilinis at magpapatuloy ito hanggang ngayon, huling araw ng Hunyo, ang Philippine Environment Month. Pinupuri natin ang mga pagsisikap ng mga ahensiya ng gobyerno at mga organisasyong sibiko, nagtitiwalang hindi na magtatagal at tuluyan nang magtatagumpay ang kanilang mga pagpupursige para sa kalikasan—kahit na paisa-isang ilog, isang estero, isang daluyan.