Ni FRANCO G. REGALA

CAMP JULIAN OLIVAS, Pampanga – Isang 26-anyos na durugistang construction worker ang umamin sa pulisya sa pagpatay sa limang miyembro ng isang pamilya at sa panghahalay sa 35-anyos na ginang at ina nito sa City of San Jose del Monte sa Bulacan makaraang maaresto kahapon.

Ang duguang mga bangkay ni Auring Dizon, 53; ng anak niyang si Estrella, 35; at mga apong edad isa, lima at 11 ay natagpuan sa magkakaibang bahagi ng kanilang bahay sa North Ridge Royal Subdivision sa Barangay Sto. Cristo, bandang 9:45 ng umaga nitong Martes.

Sinabi ni Carmelino Ibañez, tubong Negros Occidental, sa mga mamamahayag na kasama sina “Tony” at “Inggo” ay pinagsasaksak nila hanggang sa mapatay ang mga biktima habang lasing at bangag sila.

Probinsya

Truck na naghatid ng mga balota sa Bukidnon, nahulog sa bangin; isa patay!

Ayon kay Ibañez, hindi nila pinlano ang krimen, at biglaan din ang desisyon nilang gahasain ang mag-inang Auring at Estrella kahit pa patay na ang mga ito.

Dagdag pa niya, pinaslang nila ang mag-ina ngunit wala silang intensiyong patayin din ang tatlong bata.

“Wala na kasi akong maalala, maliban sa napatay namin ‘yung mga babae bago ‘yung mga bata.”

Sa isang press conference sa Pampanga kahapon, sinabi ni Police Regional Office (PRO)-3 director Chief Supt. Aaron N. Aquino na kaharap ni Ibañez ang ina at kapatid nitong babae nang umamin sa krimen.

Ayon sa pulisya, nakita umano ng isang saksi nang lumabas si Ibañez mula sa bahay ng pamilya noong Martes ng madaling araw.

Ipinag-utos na ni Aquino ang malawakang pagtugis sa dalawa pang kasabwat ni Ibañez.