Ni: Ric Valmonte
NAGSANGA-SANGA na at lumubha ang problema ng mamamayan ng Marawi sa pagpapatuloy ng bakbakan ng mga sundalo at pulis at ng Maute group. Wala pang kasigurohan na magwawakas na ang bakbakan.
Noong una kasi, nang ideklara ni Pangulong Rodrigo Duterte ang martial law sa buong Mindanao, sinabi ng military na nasa 50 miyembro lamang ng Maute ang sumalakay sa siyudad sa layuning sakupin ito. Ngunit habang tumatagal, parami nang parami ang mga ito. Nahihirapan umano ang mga sundalo na gapiin ang mga kaaway dahil bukod sa nakatago ang mga ito sa mga bahay at gusali, ginagamit pa nito ang mga sibilyan bilang human shield. Sa layunin ng militar na mapasok ang kanilang lungga, ginamitan nila ito ng walang patumanggang aerial bombing.
Kaya, sa takot ng mga sibilyan na sila ay mapahamak, iniwan nila ang kanilang mga bahay. Parang sardinas silang nagsisiksikan sa iba’t ibang lugar na naging evacuation center. Dito sila nagkakasakit lalo na ang mga bata. May naiulat nang mga namatay at may mga ina na ring dito nanganak. Pero, sa paglipas ng mga araw at nagpapatuloy ang bakbakan, may lumalabas na higit na malubhang problema. Iyong reklamo ng mga evacuee na kahit na matapos ang gulo ay wala na silang mauuwian dahil nagiba na ang kanilang bahay. Normal na mangyayari ito dahil hindi na maawat ang militar sa pagsasagawa ng aerial bombing. Nadiskubre ng mga bumalik sa kani-kanilang bahay, dahil humupa na ang bakbakan sa kanilang lugar, na sinaid ng mga magnanakaw ang kanilang mga gamit. May naiulat na ring mga ginahasa at pinagbantaang gagahasain kung hindi sila lilikas.
Ayon sa spokesman ng militar, ginagawang sex slaves ng mga miyembro ng Maute group ang mga natatagpuang babae sa kanilang pinagtaguang bahay. Ang tanging reklamong lumabas sa media na hindi nagmula sa tagapagsalita ng militar ay ang banta ng mga sundalong gagahasain nila ang mga babaeng ayaw lisanin ang kanilang lugar. Ang Gabriela, isang grupo ng kababaihan, ang nagpahayag nito batay sa kanilang mga nakapanayam na evacuees.
Sino man ang may mga kagagawan nito, dapat asahan na mangyayari ang mga ito. Ginawang gubat ng martial law ang Marawi na ang nakapananaig ay ang mga may baril. Sa ilalim ng martial law, kahit anong magagawa ng hayop sa gubat ay magagawa sa sibilisadong lugar tulad ng Marawi. Kaya ang pagbusisi ng Kamara at ng Senado sa deklarasyon ng martial law ay hindi lamang para alamin kung ito ay naaayon sa Saligang Batas. Kasi, may kapangyarihan din ang Kongreso na ipatigil ito ano mang oras. Kaya, nasusubaybayan nito ang mga pangyayari sa lugar na sinakop ng martial law. Ang layunin ng Saligang Batas na naglilimita sa kapangyarihan ng Pangulo na magdeklara ng martial law ay para bigyan ito ng mukha at puso ng tao, hindi ng hayop.