Ni: Johnny Dayang

SOBRA na ang hapdi ng kahirapang dinaranas ng mga Maranao Muslim nating kapatid na dulot ng krisis sa Marawi City.

Sila ang mga biktima ng kaguluhan at karahasang ipinupunla ng kapwa nila Muslim, ang mga teroristang Maute.

Night Owl

Kailangan mong bumoto

Sadyang malungkot na nitong mga nakaraang linggo, nakaaalarama pang lalo ang mga diskriminasyong ipinupukol sa kanila na maaaring mauwi sa hindi kanais-nais sa hinaharap. Kapag nangyari iyon, lalamang ang mga terorista sa kanilang propaganda.

Inaasahang mareresolba ang Marawi crisis sa madaling panahon. Gayunman, sa kasagsagan ng bakbakan doon, lumitaw ang pagdadamayan ng mga Maranao at Kristiyano na dapat ay seryosong pagyamanin at isulong ng pamahalaan.

Tunay na nakakabagbag damdamin ang maraming kuwento na sa harap ng nakakatakot na panganib, tinutulungan ng mga Maranao ang mga Kristiyano upang maligtas sa kalupitan ng mga teroristang Maute. May mga ulat na tinuturuan nila ang mga Kristiyano ng mga dalanging Muslim at isasagot sa mga terorista para maligtas sila. Patibay ito sa paniniwalang higit pa sa relihiyon, ang tiwala ay nagbubuklod sa mga tao.

Ang tiyak at totoo ay may masasamang Muslim ngunit marami ring masasama at imoral na mga Kristiyano.

Sa mga kuwento, mistulang mabubuting Samaritano ang mga Maranao na marahil ay dapat magpabago sa maling pananaw ng marami na ang suliranin sa Mindanao ay bunga ng hidwaang relihiyon kundi bunga pa ito ng pang-aabusong kolonyal.

Sa totoo lang, ang pagsisikap ng MNLF at MILF na magkaroon sila ng awtonomiya ay hindi tungkol sa relihiyon, kundi upang mabawi ang dati nilang mga karapatan at lupain. Kung relihiyon nga ang isyu, bakit pinag-aaral ng mga Muslim ang kanilang mga anak sa mga paaralang pinangangasiwaan ng mga pari at madre?

Ang mga Maranao ng Marawi City — bukod doon sa mga yumakap na sa panatismo at karahasan – ay malumanay na mga mamamayan. Sa kabila ng matagal ng pakikipaglaban nila para sa kanilang mga karapatan, nanatili silang mapagmahal sa katahimikan at mapayapang lipunan.

Walang dudang isang mapait na kabanata ng kasaysayang Maranao ang paglusob sa Marawi ng mga teroristang Maute.

Gayunman, ito ay nagpapatingkad lamang sa merito ng isang tunay na Maranao na handang magbuwis ng buhay para sa isang minamahal, kaibigan at kapwa taong nasa panganib.

Gaya ng ipinangako ni Pangulong Duterte na isang Kristiyano ngunit may dugong Maranao, muling aangat ang Islamic City of Marawi. Kasama ng pangakong ito ang katiyakan ng suporta sa mga mapayapang Muslim na may pusong mapagmalasakit.