Ni: Genalyn D. Kabiling
Binabalak ni Pangulong Duterte na manatili muna sa Mindanao hanggang matapos ang nagaganap na labanan sa Marawi City.
Sinabi ng Presidente na hindi muna siya madalas na makikita ng publiko dahil hangad niyang bisitahin ang tropa ng mga sundalo at palakasin ang kanilang moral sa gitna ng mga pagsisikap na masugpo ang rebelyon ng Islamic State-linked militants.
“I would be spending more time in Mindanao because there is still fighting. Every now and then, I go to the brigades to check on their morale, readiness and everything,” sabi ni Duterte sa mga reporter sa Clark, Pampanga nitong Miyerkules.
“So hindi n’yo ako makikita masyado dito sa -- unless there is an important appointment. I’d be spending most of my time in Mindanao,” dagdag niya.
Mahigit na isang buwan simula nang ideklara ang martial law sa Mindanao, patuloy na nakikipaglaban ang puwersa ng pamahalaan sa Islamic State-linked militants na nakubkob sa Marawi City.
Nauna nang itinanggi ng Pangulo ang mga alegasyon tungkol sa kanyang mahinang kalusugan dulot ng matagal na hindi niya pagpapakita sa publiko.
“May mga lakad ako na hindi ninyo dapat malaman. Pagkatapos na siguro. When I am through with this job, then I’ll tell you everything,” sabi niya sa ceremonial turnover ng donasyong military equipment ng China sa Clark nitong Miyerkules.
Kung sakaling may hindi magandang mangyari sa kanya, kinikilala ng Pangulo na si Bise Presidente Leni Robredo ang kanyang constitutional successor.
ISIS PARANG SI HITLER
Hindi maigagarantiya ng pamahalaan na ligtas ang iba pang lugar sa bansa laban sa Islamic State dahil inihalintulad ni Pangulong Duterte ang terror group sa Nazi leader na si Adolf Hitler.
Ikinalungkot ng Presidente ang “mass insanity” ng Islamic State at ang bantang panganib nito sa bansa, at sinabing si Hitler ay pumatay ng milyun-milyon “for nothing.”
Umaabot na sa 303 mga terorista at 75 sundalo ng pamahalaan ang namamatay sa labanan.