Ni: Tara Yap
ILOILO CITY – May kabuuang 60 miyembro ng New People’s Army (NPA) ang kinasuhan sa pag-atake sa himpilan ng Maasin Police sa Iloilo kamakailan.
Naghain kahapon ng kasong kriminal si Senior Supt. Marlon Tayaba, bagong hepe ng Iloilo Police Provincial Office (IPPO), sa prosecutor’s office kaugnay ng pagsalakay nitong Hunyo 18.
Limang kaso ang isinampa ng IPPO—robbery in band, serious illegal detention, direct assault upon persons of authority, public disturbance, at paglabag sa Anti-Carnapping Act.
Sinalakay ng mga armadong rebelde ang presinto, pinosasan at dinisarmahan ang siyam na pulis, at kinuha rin maging ang mga personal na gamit ng mga pulis at ilang baril.
Kinilala ang 20 sa 60 rebeldeng kinasuhan na sina Joan Fajardo, Chiva Diaz, Joven Ceralvo, Melvin Dayaday, Mary Llyich Bocala, Ronnie Canon, Romeo Esmendiana, Joerey Cordero, isang alyas Gamay Monterio, Karma John Suarez, Leizle Bandiola, isang alyas Ruby, isang alyas Katkat, Lanie Gardose, Christy Cabales, isang alyas Niel, Randy Canoy Garnica, Erver Buencochillo, at Levy John Palencia.