Ni: Erik Espina
HINDI lang klima ang nagbabago, pati panahon ng kapayapaan at katatagan ng bansa ay nagigimbal sa patuloy na bakbakan sa pagitan ng military at Maute group sa Marawi City, ang pintakasi ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF), Abu Sayyaf Group, Raha Sulayman, pinapalaganap na mala-ISIS na pagtuturo ng Islam, at ang MILF na nilulugso ang pagtatayo ng sariling estado.
Nariyan ang kabuteng pamimihasa – ayon sa Palasyo, “oportunistang pananalakay” ng CPP-NPA. Dumating na tayo sa punto na tulad ito sa sabong ng hindi lamang dalawang manok. Karambola ito ng dinedehadong Pamahalaan ng Pilipinas kontra sa nagkakatugmang puwersa ng lahat ng nais bumuwal sa Republika, at kitilin ang kalayaan, ng Inang Bayan.
Nang makausap ko si dating Senate President Juan Ponce Enrile, isa sa marami niyang payo, bukod sa Marawi at martial law, “Huwag pagkatiwalaan ang MILF.” Dahil, aniya, magkakapamilya, magkakilala o magkakausap ang mga nabanggit na puwersa.
Nasa hudyat tayo na dapat alalayan ang kabuuang seguridad ng bayan. Mungkahi ko nitong nakaraang Huwebes ang pagkakaroon ng ‘National ID’ o Philippine Universal Identification (PUIDe). Kasangga ang huli sa dapat ay napapanahong pagrerehistro sa lahat ng SIM card ng cell phone.
Dapat alamin ito ng Kongreso, kung seryoso ang ating gobyerno sa pagbaka sa tumitinding mga banta sa Pilipinas. Ang SIM Registration (SR) ay kasalukuyang ipinapatupad sa 90 bansa sa buong mundo.
Dalawang argumento ang ibinabandera kontra rito: 1) Malalabag umano ang “Right to Tele-communicate”; 2) Hindi napigilan ng SR ang nakalipas na “London Bombing.” Walang pagbabawal o paglabag na magaganap sa Right to Tele-communicate dahil kahit sino ay maaaring makabili ng SIM card. Mahalaga lang na “tukoy at beripikado” ang nagmamay-ari ng SIM gamit ang balidong ID.
Tulad sa kotse yan na dapat ay rehistrado, o bahay, lupa, atbp. na malayang bilhin o ilako basta ba dokumentado.
Kahit ilan pa ito.
Sa pangalawang punto – plakadong buslog na argumento. Tulad sa hinulmang punto ‘yan na “’Di napipigilan ng armadong pulis ang krimen sa lipunan! Subalit, ibig sabihin ba nito ay wala nang silbi ang baril sa awtoridad? At disarmahan na lang ang mga pulis? Mali!
Bawat sinulid sinusubukang itahi sa kabuuang habi ng pambansang batas at kaayusan upang mamayani, sana, ang kapayapaan sa bawat pagkakataon. ‘Yun ‘yon.