Ni Ernest Hernandez
Tangan ng Beermen ang apat na kampeonato sa huling pitong conference kabilang ang tatlo na pawang Philippine Cup. Ngunit, tila mailap sa kanila ang Commissioners Cup.
Sa nakalipas na tatlong taon, nakamit ng Beermen ang pagkakataon na mapalaban para sa minimithing Commissioners Cup title. At kung hindi magbabago ang ihip ng hangin, dalawang panalo na lamang ang layo nila para sa minimithing pedestal.
Lutang ang determinasyon at paghahangad ng Beermen na pawiin ang pagkauhaw sa titulo na sa tuwina’y lumalayo sa kanila sa impresibong panalo sa huling dalawang laro ng best-of-seven championship series laban sa Talk ‘N Text Katropa.
Mula sa makapigil-hiningang kabiguan sa Game 1, kinuha ng Beermen ang panalo sa sumunod na dalawang laro para sa 2-1 bentahe.
“Kasi matagal na kami magkasama. Alam na naming ginagawa ng isa’t-isa,” pahayag ni Best Player of the Conference frontrunner Alex Cabagnot.
Sa nagdaang panahon, hindi ang lakas ng line up baskus ang kakayahang makabangon mula sa kabiguan ang nagsisilbing ‘matira’ ng Beermen sa nakalipas na mga taon.
“Yung All-Filipino lineup na iyan, madami nang pinagdaanan at marami na rin kaming napatunayan.
Lalo na ang Beer-acle,” pahayag ni Arwind Santos, pagbabalik-gunita sa makasaysayang pagbangon mula sa 0-3 paghahabol laban sa Alaska Aces tungo sa kampeonato sa 2016 Philippine Cup.
“It is an advantage that we have been playing together for such a long time,” sambit ni Cabagnot. “We had success together, so alam namin thespecific things that we do. Obviously, our past is helping us in the present.”
Kung ang ibang koponan ay nakadepende sa ilalaro ng import, nakasalalay ang resulta nang bawat laban ng Beermen sa pagkakabit-bisig ng lokal player.
“Ang sikreto ng team na iyon yung matagal na kaming magkakasama at saka yung walang ingitan tsaka lahat gusto manalo talaga,” pahayag ni Santos. Kahit walang import hindi mo masasabi. Malaking bagay pa rin si Charles sa amin.”
“Siyempre, alam mo ‘pag all-Filipino, malakas kumpiyansa nang bawat isa. Alam na namin ang aming galawan kahit hindi na kami nagtitinginan. Kaya kapag magkakasabay kaming lima na all-Filipino, hindi namin nakikita na dehado kami.
Nakikita namin na lamang kami sa kalaban dahil buo kami.”
Nakahulma na ang perpetual Philippine Cup trophy sa San Miguel Beer. Kung mapagwawagihan nila – sa wakas – ang Commissioners Cup, kakailanganin na lamang nilang masungkit ang kasunod na Governors Cup upang muling matikman ang ‘Grand Slam’ at patatagin ang katayuan bilang isa sa pinakamatibay na koponan sa 42 taong kasaysayan ng nangungunang pro league sa Asya.