Ni: PNA
APAT na mangingisda mula sa Tañon Strait ang pinarangalan kamakailan bilang mga Ocean Hero sa pagsusulong ng pangangalaga sa karagatan, pagtalima sa mga batas na ipinatutupad sa mga baybayin, at pagpapanatili ng saganang pangisdaan sa Visayas.
Binigyang pagkilala rin ang Tañon Strait Marine Protected Areas dahil sa epektibong pamamahala ng lokal na pamahalaan at pagtutulungan ng mga komunidad. Ayon sa ulat ng Oceana sa media kahapon, ang marine protected areas na ito ngayon ay nagbibigay ng malawak na hanay ng mga benepisyo sa kapaligiran, lipunan at ekonomiya para sa mga komunidad sa baybayin.
“Our Ocean heroes inspire so many, including our enforcement agencies, with their vigor and courage in protecting the Tañon Strait. May their determination and dedication spread, as we work together to protect and conserve our rich yet fragile marine resources,” saad ni Oceana Philippines Vice President Atty. Gloria Estenzo Ramos.
Ang 2017 Ocean Heroes ay sina Virgilio Aviso, Renato Buenviaje, Jocelyn Moya-Hekrdle at Mariano Sarcol. Sila ang apat na namayagpag sa dose-dosenang kandidato dahil sa kanilang pangakong poprotektahan ang Tañon Strait na may 161-kilometer strip na humahati sa mga lalawigan ng Cebu at Negros Island. Ang Strait ang isa sa pinakamalalaki at pinakaproduktibong marine protected areas sa bansa, na nagsisilbing tahanan ng 63 porsiyento ng coral species at 14 na klase ng balyena at dolphin sa buong bansa. Ang marine protected areas din ang pinagkukuhanan ng pagkain at kabuhayan ng 42 bayan, lungsod at munisipyo sa Cebu, Negros Oriental at Negros Occidental.
Ang mga parangal ay nakapaloob sa pagkilala na ibinigay sa mahuhusay na stakeholder at katuwang ng Negros Occidental sa pagtatapos ng pagdiriwang ng ika-25 taon ng pagkakatatag ng Provincial Environment Management Office, sa pamumuno ni Atty. Wilmon Peñalosa.
Si Negros Occidental Governor Alfredo Maranon ang nanguna sa pagdiriwang.
Ipinatupad noong 2016, ang Ocean Heroes Awards ay sa pagtutulungan ng Oceana Philippines, Department of Environment and Natural Resources, at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources upang bigyang pagkilala ang maayos na pamumuno ng mga pinuno ng komunidad at mapanatili ang maayos na pangangasiwa sa marine ecosystems ng Tañon Strait.