Nina FER TABOY at FREDDIE VELEZ
Naglaan ng P100,000 pabuya si San Jose Del Monte, Bulacan Mayor Arthur Robles sa sinumang makapagtuturo sa suspek sa pag-massacre sa limang miyembro ng isang pamilya sa Barangay Sto. Cristo, nitong Martes.
Kasunod nito, nagdagdag pa ng P100,000 sa pabuya si Bulacan Gov. Wilhelmino Sy-Alvarado.
Bumuo rin si Senior Supt. Romeo M. Caramat Jr., acting Bulacan Police Provincial Office director, ng Special Investigation Task Group (SITG) para sa agarang ikalulutas ng kaso.
Napaulat na blangko pa rin ang imbestigasyon ng San Jose Del Monte Municipal Police sa motibo at suspek sa pamamaslang sa magkakapatid na Dizon, edad 11, pito at isa; sa ina nilang si Estrella Dizon, 35; at sa ina ng huli na si Auring Dizon, 53 anyos.
Ayon kay SPO2 Daniel Ortega, apat na lalaki at isang babae ang dinala nila sa presinto upang kuhanan ng salaysay.
Nilinaw ni Ortega na wala pa silang itinuturong suspek sa ngayon.
Batay sa imbestigasyon, nagtamo ng 45 na saksak si Estrella, at 32 naman ang saksak sa matanda, na napaulat na bulag. May hinalang kapwa hinalay ang mag-ina bago pinatay.
Labing-apat naman ang natamong saksak ng panganay na lalaki, 19 sa batang babae, at lima sa sanggol.
Kasabay nito, sinabi ni Dexter Carlos, ang asawa at ama ng mga biktima, na dadalhin sa Cagayan ang mga labi ng kanyang mag-iina, habang sa Mindoro naman ililibing ang kanyang biyenan.