NI: Nonoy E. Lacson
ZAMBOANGA CITY – Nasa 1,500 miyembro ng Moro National Liberation Front (MNLF) mula sa lahat ng panig ng Mindanao ang magtitipun-tipon sa Sabado, sa main headquarters ng MNLF sa Indanan, Sulu, para sa pormal na paglulunsad ng “MNLF Anti-Kidnapping and Anti-Terrorism Task Force” sa lalawigan.
Sinabi kahapon ni MNLF Central Committee deputy secretary general for military affairs Abuamri Taddik na naghanda na rin ang MNLF ng isang batalyon ng mga mandirigma na bubuo sa task force sa Sulu.
Aniya, bumuo ang MNLF ng apat na grupo ng mahuhusay na mandirigmang MNLF na tutugis sa mga kidnapper at terorista sa Sulu.
Paliwanag ni Taddik, ang isang grupo ng mandirigma ay binubuo ng 130 katao, habang ang isang batalyon ay may nasa 700 mandirigma.
“Initially, we will create four companies of MNLF for the task force and they will be deployed in the troubled towns of Talipao, Parang, Indanan and Patikul in Sulu,” ani Taddik.
Aniya, ang nabanggit na apat na bayan sa Sulu ay kilalang pugad ng mga kidnapper at terorista, karamihan ay mga kasapi ng Abu Sayyaf Group (ASG).
Sinabi naman ni Abdul Sahrin, MNLF central committee secretary general, na nagpasya ang MNLF na bumuo ng task force upang ayudahan ang pamahalaan sa kampanya nito para sa pangmatagalang kapayapaan, partikular sa Mindanao.