Ni: Aaron Recuenco
Sinalakay kahapon ng umaga ng pinagsanib na puwersa ng pulisya at militar ang isa pang bahay ni dating Marawi City Mayor Fajad Salic sa Misamis Oriental at nasamsam mula roon ang ilang granada at gamit sa paggawa ng bomba.
Sinabi ni Supt. Lemuel Gonda, tagapagsalita ng Police Regional Office (PRO)-10, na isinagawa ng pulisya ang raid katuwang ang mga kasapi ng Martial Law Special Action Group ng military, bandang 5:30 ng umaga kahapon sa bahay ni Salic sa Purok 3, Barangay Consuelo sa bayan ng Magsaysay.
Nakumpiska sa operasyon ang isang granada, dalawang rifle grenade, isang 40mm cartridge, 30 rounds ng mga bala ng M16 rifle, anim na non-electrical blasting caps, isang customized electric switch, isang pilot valve na nakakabit sa jack connector, isang battery, at dalawang pakete ng hindi tukoy na gray powder.
Hunyo 7 nang dakpin si Salic, dating asawa ng aktres na si Alma Moreno, sa bayan ng Villanueva sa Misamis Oriental para sa kasong rebelyon.
Iniuugnay si Salic sa pagsalakay ng Maute Group sa Marawi City at nasa listahan ng ipinaaaresto ng Department of National Defense (DND) kaugnay ng krisis.
Sa naunang pagsalakay sa bahay ni Salic sa Cagayan de Oro City, nakakumpiska ang mga pulis ng isang mataas na uri ng baril, mga bala at nasa 10 kilo ng shabu.