NILAGDAAN ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Arthur Tugade nitong Lunes ang Omnibus Franchising Guidelines (OFG) na nagkakansela sa 13-taong moratorium sa paglalabas ng mga bagong prangkisa para sa mga public utility vehicle (PUV) o mga jeepney. Naihanda na ang mga panuntunan tatlong taon na ang nakalilipas ngunit sinuspinde ang mga ito upang bigyan ng pagkakataon ang mga jeepney operator at kanilang mga tsuper na magpatupad ng mga kinakailangang pagbabago.
Pangunahing layunin ng mga panuntunang ito ay ang gawing modern ang sistema at ang mga jeepney, na ang disenyo ay nilikha noon pang panahong katatapos lamang ng digmaan taong 1946. Pinahaba ang disenyo nito sa mga sumunod na taon upang makapagsakay ng hanggang 22 pasahero, ngunit marami sa mga ito ay sinauna pa ang mga makina na nagdudulot ng polusyon, may pumapalyang preno, at may hindi gumaganang ilaw sa gabi.
Layunin ng PUV Modernization Program na palitan ang mahigit 200,000 lumang jeepney sa bansa. Kapag ipinalabas na ang mga bagong prangkisa sa ilalim ng Omnibus Franchising Guidelines, tanging mga sasakyang may bagong makina at nakakabitan ng mga device para sa mas ligtas at kumbinyenteng biyahe, gaya ng GPS at CCTV camera, ang aaprubahan.
Totoong panahon na para magretiro ang mga lumang sasakyan na naglalantad sa panganib hindi lamang sa pasahero at sa mga tumatawid kundi maging sa kalikasan, habang dumadagdag sa problema sa trapiko ng siyudad. Para sa planong modernisasyon, bumuo ang DOTr ng programa sa pautang upang makayanan ng mga may-ari ng jeepney na palitan ang mga luma nilang sasakyan ng mga bago na may de-kuryente at iba pang modernong makina.
Ngunit sa pagpupursigeng gawing moderno ang jeepney bilang pampublikong transportasyon, mahalagang magbigay tayo ng sapat na panahon para sa mga mamumroblema sa aspetong pinansiyal para makaagapay sa programa. Kailangan ng ayuda ng mga tsuper ng jeepney sa pagbabawal sa pamamasada ng mga lumang jeep. Mayroon silang mga binubuhay na pamilya, at nagsisipag-aral ang kanilang mga anak. Ilang operator ng jeepney ang hindi makakayanang magpalit kaagad ng pamasada kahit pa nariyan ang programa sa pagpapautang. Ang pangambang ito ang diwa ng mga kilos-protesta ng Pinag-Isang Samahan ng mga Tsuper at Operator Nationwide (PISTON) at ng iba pang samahan ng mga namamasada ng jeepney.
Naghain na ng resolusyon si Sen. Juan Edgardo Angara para hilingin sa Senado na busisiin ang programa sa modernisasyon ng DOTr upang matiyak, aniya, na walang operator o tsuper ang negatibong maaapektuhan nito. “Our drivers and small operators are really fearing that they would lose their main source of livelihood once the program is implemented,” aniya.
Nariyan din ang milyun-milyong pasaherong Pinoy na nakaasa sa pagsakay sa mga jeepney sa paglilibot-libot nila sa mga bayan at siyudad, hanggang sa mga liblib na barangay sa bansa. “Jeepneys remain the most affordable and accessible mode of transport in our country,” dagdag pa ni Senator Angara.
Dahil sa mga katwirang ito, dapat na tiyakin ng gobyerno na hindi mababalewala ang kapakanan ng maliliit na jeepney operator at driver, maging ng mga pasahero, sa pagsisikap ng pamahalaan na gawing moderno ang sistema ng transportasyon ng mga jeepney sa bansa. Kailangan ang pagbabago ngunit dapat na maipagkaloob ang lahat ng posibleng ayuda sa mga pinakanangangailangan nito.