Ni: Vanne Elaine P. Terrazola

Namatay sa pagkalunod ang dalawang menor de edad at kapwa natagpuang palutang-lutang sa magkahiwalay na lugar sa Quezon City, nitong Martes ng hapon at Miyerkules ng umaga.

Kinilala ng awtoridad ang mga nalunod na sina John Adrian Celestino, 9, at Gerald Montallana, 14, kapwa ng San Roque Compound, Pingkian 1, Barangay Pasong Tamo.

Natagpuan si Celestino sa isang creek sa ilalim ng Culiat Bridge sa Bgy. Katipunan, bandang 5:00 ng hapon nitong Martes, habang si Montallana ay natagpuan sa San Juan River sa Bgy. Talayan, dakong 5:30 ng madaling araw kahapon.

Sen. Kiko, tinutulan visa-free policy sa mga Chinese national

Sa imbestigasyon ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ng Quezon City Police District, bago nasilayan ang mga bangkay ay lumalangoy sina Celestino at Montallana, kasama ang dalawa nilang kaibigan, sa isang creek sa kahabaan ng Finland Drive, Pasong Tamo, bandang 12:30 ng tanghali kamakalawa.

At dahil umuulan noong oras na iyon, inagos at nahiwalay sina Celestino at Montallana mula sa kanilang mga kaibigan.

Agad tinawagan ang mga tauhan ng Philippine Coast Guard upang iligtas ang mga biktima ngunit sila ay nabigo.

Pagsapit ng hapon, isang concerned citizen ang nakakita sa bangkay ni Celestino sa ilalim ng Culiat Bridge.

Habang nadiskubre naman si Montallana sa San Juan River, na sakop ng Bgy. Talayan, kinabukasan.