Ni: Marivic Awitan
PORMAL nang nabuo ni Gilas Pilipinas coach Chot Reyes ang line up ng Gilas na isasabak sa 29th Southeast Asian Games sa Kuala Lumpur, Malaysia sa Agosto.
Itinanggi naman ng SEA Games Task Force na natanggap na nila ang line up na hinhintay na ng organizing committee matapos huminge ng palugit ang Pilipinas nang mapaso ang itinakdang deadline sa pagsumite ng ‘entry by names’ nitong Hunyo 21.
Sa kanyang Twitter account, ibinida ni Reyes ang komposisyon ng Gilas Pilipinas na aniya’y palaban.
Nangunguna sa listahan ang dalawa sa kumatawan sa bansa sa nakaraang FIBA 3x3 World Championships na sina US NCAA Division 1 mainstay Kobe Paras at collegiate standout Kiefer Ravena.
Kasama rin sa Gilas si dating NBA D-League mainstay Bobby Ray Parks Jr., Kevin Ferret, Carl Cruz, Mike Tolomia, Reymar Jose, Almond Vosotros, Baser Amer, Troy Rosario, Von Pessumal at Filipino- German na si Christian Standhardinger.
Nakatala sa taas na 6-foot-9, inaasahang darating sa bansa si Standhardinger Miyerkules ng gabi, ayon kay Gilas team manager Butch Antonio.
Bukod sa biennial meet, sasabak din ang Gilas Pilipinas sa William Jones Cup sa Taipei sa susunod na buwan bilang bahagi ng kanilang paghahanda sa SEAGames na idaraos sa Malaysia sa Agosto.