Ni: Light A.Nolasco
QUEZON, Nueva Ecija - Arestado ang isang 47-anyos na babae na may nakabimbing patung-patong na kaso ng estafa dahil sa umano’y ilegal na pangangalap ng mga aplikante para magtrabaho sa ibang bansa.
Nakorner ng tracker team ng Quezon Municipal Police ang suspek na si Elvira dela Cruz Bauto y Asuncion, ng Barangay Bertese, dahil sa paglabag sa probisyon ng RA 8042 o large scale illegal recruitment, at umano'y marami nang nabiktima.
Dakong 3:30 ng hapon nitong Lunes nang masakote si Bauto na nagpapalipat-lipat ng tirahan para hindi matunton ng mga naghahabol na umano’y nabiktima niya hanggang sa mapag-alaman na nakatuloy ito sa Ipil Street sa Bgy. Lote, Cabanatuan.