Ni Argyll Cyrus B. Geducos
Plano ni Pangulong Duterte na ituloy na bukas ang nakansela niyang pagbisita sa Marawi City bilang pagrespeto sa mga sundalong mahigit isang buwan nang sumusuong sa panganib at nakikipaglaban sa Maute Group sa siyudad.
Sa kanyang speech sa ika-120 anibersaryo ng Presidential Security Group (PSG) sa Malacañang Park kahapon, sinabi ni Duterte na ito na lamang ang magagawa niya para sa mga sundalong nagbubuwis ng buhay para sa bansa.
“That’s why I said, ‘I grieve’. Gusto kong pumunta ng Marawi. I think I’ll go there on Friday,” sabi ni Duterte.
Humingi rin ng paumanhin ang Pangulo sa mga miyembro ng PSG nang himukin niya ang mga ito na gawing simple ang kanilang selebrasyon dahil hindi magiging magandang tingnan ang bonggang pagdiriwang.
Unang itinakda nitong Hunyo 8 ang pagbisita ni Duterte sa Marawi upang kausapin ang mga sundalo sa Camp Ranaw.
Gayunman, nakansela ang nasabing biyahe dahil sa masamang panahon.