Ni: Mary Ann Santiago

Humingi ng paumanhin ang isa sa matataas na lider ng Simbahang Katoliko sa paglabas ng listahan ng mga website na umano’y naglalabas ng mga pekeng balita.

Ayon kay Lingayen-Dagupan Archbishop Emeritus Oscar Cruz, dating pangulo ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP), hindi nila alam kung bakit lumabas at naisapubliko ang naturang listahan.

Paliwanag niya, hindi ito dapat lumabas dahil reference lamang sana ito ng mga obispo.

Iba't ibang grupo, kumpirmadong magkakasa ng 'anti-corruption rally' sa Feb. 25

“Nagtataka po kami kung bakit siya (listahan) lumabas,” pahayag ni Cruz sa isang panayam sa radyo. “Hindi po dapat lumabas ‘yan kasi para lang sa mga obispo ‘yan, for their reference.”

Una rito, pumutok ang balita na naglabas ang CBCP ng listahan ng mga website na naglalathala ng mga pekeng balita.

Pumalag naman ang ilan sa mga website na napabilang sa listahan at iginiit na hindi sila naglalabas ng pekeng balita, sa halip ay magagandang balita lamang na may kinalaman sa administrasyong Duterte.