SINALAKAY at inatake ng armadong kalalakihan ang dalawang barangay sa Pigcawayan, South Cotabato noong nakaraang linggo at kinilala sila bilang mga miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF), isa sa ilang armadong grupo na nanggugulo sa mga iba’t ibang komunidad sa Mindanao.
Ang puwersa ng BIFF, na sinasabing nasa 100-300, ang sumulpot mula sa Liguasan Marsh at umatake sa isang Army outpost sa Barangay Simsiman bago kinubkob ang isang paaralang elementarya sa Barangay Malagakit. Pinagsusulatan nila ang mga pader sa eskuwelahan, nagsulat ng mga mensahe sa pisara at dingding na nagpapahayag ng pagtuligsa kay Pangulong Duterte at sinabing mga kasapi sila ng “ISIS” — o Islamic State of Iraq and Syria, isang extremist international Islamist movement na napaulat na may planong magtayo ng sangay nito sa Mindanao.
Ang nasabing pagsalakay ng BIFF sa South Cotabato ay hiwalay sa pagkubkob ng grupong Maute sa Marawi City, Lanao del Sur, mahigit 160 kilometro sa hilaga, na nagbunsod upang magdeklara si Pangulong Duterte ng batas militar sa buong Mindanao. Bagamat hiwalay ang mga pagkilos ng BIFF at ng Maute, naniniwala ang Sandatahang Lakas na ang mga puwersang rebelde sa Mindanao — partikular ang Maute, ang BIFF, at ang Abu Sayyaf — ay magkakaugnay sa iisang layunin ng mga ito na labanan ang puwersa ng gobyerno.
Inilarawan ng isang pamilya sa Barangay Malagakit kung paanong tinangka nilang magkubli sa isang gilingan ng palay subalit nadiskubre sila ng isang grupo ng BIFF at pinaslang ng mga ito ang kanilang padre de pamilya, na sumailalim sa pagsasanay sa lokal na Civilian Armed Forces Geographical Unit (CAFGU). Hindi ito ang unang pagkakataon na sinalakay ng mga miyembro ng BIFF ang barangay, ayon sa mga residente. Sa nakalipas na mahigit 40 taon, nagkaroon ng mga armadong labanan sa pagitan ng mga Kristiyanong residente ng barangay ng mga mandirigmang Moro mula sa lugar ng Liguasan Marsh.
Ang pagsalakay ng BIFF sa Pigcawayan ay nagbunsod ng panibagong pangamba na maaaring muling mag-armas ang mga residente sa lugar gaya ng nangyari noong dekada ’70, nang buuin ng mga ito ang tinaguriang Ilaga. Binubuo ito ng mga Visayan, karamihan ay Ilongo, na naging mga militia na nakikipaglaban kasama ng Philippine Constabulary. Panahon noon ng karahasan at kaguluhan at naging kilabot ang Ilaga sa kanilang mga pagmamalabis, kabilanga ng maraming pagpatay at panununog sa mga bahay ng mga Muslim sa Cotabato at Lanao.
Napaulat na labis ang pagkabahala ng mamamayan ng mga barangay ng Malagakit at Simsiman tungkol sa pagsalakay ng BIFF at naniniwala silang mauulit itong muli, kaya naman lumutang ang balitang muling bubuhayin ang Ilaga. Hindi makatutulong ito sakaling maisakatuparan, dahil sa kanilang panahon ay kinatatakutan ang grupo sa pagsalakay at pagnanakaw na hindi noon nagawang makontrol ng gobyerno.
May malaking problema sa kapayapaan at kaayusan sa Mindanao sa kasalukuyan, ngunit kumpiyansa tayong kayang-kayang resolbahin ng puwersa ng gobyerno sa AFP at sa Philippine National Police ang anumang sitwasyon. Dapat na magkaisa ang mamamayan ng Mindanao — mula sa lahat ng tribo at relihiyoso at etnikong grupo — sa pagsasakatuparan sa layuning pangkapayapaan, at iwasang gumawa ng anumang hakbangin na magpapalubha lamang sa problema, gaya ng pagbubuo ng puwersa na gaya ng dating Ilaga.