Nina GENALYN KABILING at FER TABOY

Walang anumang negosasyon ang gobyerno sa mga teroristang kumubkob sa Marawi City at sa halip ay nangakong pananagutin ang mga ito sa naging pagkakasala.

Ito ang binigyang-diin ni Presidential Spokesman Ernesto Abella kaugnay ng napaulat na hinihiling umano ng pinuno ng Maute ang pagpapalaya sa mga magulang nitong sina Cayamora at Ominta Romato “Farhana” Maute at sa ilan pang kaanak kapalit ng mga bihag ng grupo.

Kapwa kinasuhan ng rebelyon sa isang korte sa Cagayan de Oro City sina Cayamora at Ominta. Sa Davao City naaresto si Cayamora nitong Hunyo 6 habang sa bayan ng Masiu, Lanao del Sur naman nadakip si Farhana, kasama ang siyam na iba pa, noong Hunyo 10.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

“Government policy not to negotiate with terrorists remains,” sinabi ni Abella sa news conference kahapon. “Hence, the local religious leader-led talks with the terrorists is one of that was not sanctioned by the government, the military, and our political leaders. Any demands made inside therefore hold no basis.”

Iginiit ni Abella na dapat pagbayaran ng mga teroristang naglunsad ng karahasan sa Marawi ang mga krimeng ginagawa ng mga ito.

“The gravity of the terrorists and their supporters defense is immense and they must all be held accountable for all their actions,” ani Abella.

Kumalat kahapon ang mga ulat na handa na si Abdullah Maute na palayain ang Fr. Teresito Suganob at iba pang bihag kapalit ng pagpapalaya rin sa mga magulang at iba pang kaanak ng mga Maute. Ito ang napag-usapan sa pakikipagdiyalogo ni Abdullah sa ilang religious leader nitong weekend.

Kaugnay nito, inaalam pa ng Armed Forces of the Philippines (AFP) kung totoo ang nasabing demand ng Maute.

Nilinaw naman ni Brig. Gen. Restituto Padilla, tagapagsalita ng AFP, na hindi pa nakararating sa kanila ang pormal na pahayag ng Maute tungkol sa pagpapalaya ng mga bihag nito kapalit ng mga magulang at ilang kaanak.