Ni: Hannah L. Torregoza
Naghain na kahapon ng resolusyon ang Senate minority bloc na “expressing grave concern” sa pagbaba ng kasong kriminal laban sa mga pulis na sangkot sa pagpatay kay Albuera, Leyte Mayor Rolando Espinosa.
Inihain nina Senate Minority Leader Franklin Drilon, Senators Francis “Kiko” Pangilinan, Risa Hontiveros, Leila de Lima, Paolo Benigno “Bam” Aquino IV, at Antonio Trillanes IV ang Senate Resolution No. 417.
Sa nasabing resolusyon, hinihikayat ng minorya ang komite na magsagawa ng imbestigasyon “why the recommendations of the Senate were ignored.”
Ang tinutukoy ng mga senador ay ang rekomendasyon ng Senate public order committee, na pinamumunuan ni Senador Panfilo Lacson, na nagsabing ang pagkamatay ni Espinosa ay kaso ng “premeditated murder.”
“The downgrading of the criminal charges against the officers of CIDG-8 fuels fears of growing police impunity in the country,” ayon sa resolusyon.
Matatandaang mula sa murder ay ibinaba sa homicide ang inihain laban sa 19 na pulis, sa pangunguna ni Supt. Marvin Marcos, kaugnay ng pamamaslang kay Espinosa sa loob ng selda sa Baybay City.