Ni: Aaron Recuenco at Leandro Alborote
Mahigit 300 elite policeman mula sa Luzon ang itatalaga sa Marawi City at Cagayan de Oro City bilang dagdag sa puwersang pangseguridad sa nabanggit na mga siyudad kaugnay ng patuloy na bakbakan ng militar at pulisya laban sa Maute sa Marawi, at pagpapatupad ng batas militar sa Mindanao.
Sinabi ni Chief Supt. Mao Aplasca, director ng Police Regional Office (PRO)-4A, na 241 sa kanyang mga tauhan mula sa Regional Public Safety Battalion (RPSB) ang inatasang tumulong sa pagpapatupad ng batas at pagtiyak sa kaligtasan ng publiko sa Marawi City. Ayon naman kay PRO-3 Director Chief Supt. Aaron Aquino, ang karagdagang puwersa ng pulisya mula sa Region 3 ay manggagaling din sa RPSB at ipakakalat sa Cagayan de Oro.
Ang unang batch ng mga operatiba mula sa Region 4-A ay binubuo ng 70 miyembro ng RPSB na ibibiyahe sakay sa C130 plane ng militar.
Kasabay nito, kinumpirma kahapon ni Philippine Army 7th Infantry Division Commander Major General Angelito De Leon na 100 sundalo nito ang nagtungo sa Marawi bilang dagdag-puwersa laban sa Maute.
Aniya, ang mga sundalo ay nagmula sa 72nd Division Reconnaissance Company, na kabilang sa mga unit na ipinadadala sa iba't ibang bahagi ng bansa kapag kinakailangan.